Suportado ni Senador Risa Hontiveros ang pagpapalawig ng work-from-home set up para sa mga empleyado ng business process outsourcing (BPO) lalo pa ngayong patuloy na tumataas ang presyo ng langis.
Nangyari ang pahayag ng senador dahil sa pagtanggi ng Fiscal Incentives Review Board (FIRB) na palawigin ang remote work arrangement para sa mga BPO.
“Dapat bigyan ng option ang mga manggagawa na kung kakayanin ay sa bahay na lang muna mag-trabaho para makatipid sila sa gastos sa pamasahe at maibsan ang pagod sakaling babyahe. Sa panahong ito, kailangan ng leniency pagdating sa pagpapatupad ng polisiya para sa ikabubuti ng mga manggagawa,” sabi ni Hontiveros.“Hindi naman mababawasan ang konsumo ng BPO workers kahit saan sila nagtatrabaho. Gagastos sila at gagastos nasa bahay man o on-site magrereport. Mas lugi pa nga na gagastos sila sa gasolina o pagko-commute imbes na pandagdag na lang sa iba pa nilang essential needs sa bahay. Magkakaoras pa nga silang ipasyal ang pamilya nila dahil mababawasan ang puyat nila,” dagdag pa niya.
Saad din niHontiveros, bukod sa mga BPO, dapat maging opsyon pa rin ang work-from-home lalo sa mga empleyado na naging maganda ang performance noon pandemic kahit na hindi sila nagrereport sa opisina araw-araw.
“Sa mga panahong lahat ay nabibigatan sa krisis pang-ekonomiya, tungkulin ng gobyerno na tulungang pagaanin ito para sa mamamayan. Umaasa ako na magkakaroon ng extension sa remote work arrangement, at kung maaari hindi lang sa mga BPO companies kundi sa iba pang kumpanya na pwede ang work-from-home set-up,” anang senador.