May katapat na raw ang “Sabay-sabay” version ng “Titanium” ni Toni G?
Matapos ang viral “Titanium” performance ni Toni Gonzaga sa Laguna sortie ng UniTeam nina Presidential aspirant Bongbong Marcos Jr. at Vice Presidential candidate at Davao City Mayor Inday Sara Duterte kamakailan, ibinalik naman sa mga Kakampink ang tila pagsablay ni Moira Dela Torre sa pag-awit nito sa campaign sortie nina Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo at Vice Presidential candidate Sen. Kiko Pangilinan sa Zamboanga City.
“Kakatira nitong mga Kakampink sa pagkanta ni Toni G. ng Titanium. Hahahaha ayan tuloy.. ” mababasa sa caption ng Tiktok video na in-upload ng isang Facebook user.
Naging viral kamakailan ang pag-awit ni Toni sa Laguna sortie ng UniTeam kung saan inawit nito ang kantang “Titanium.” Napansin kasi ng netizens na tila hirap itong abutin ang matataas na nota at hindi rin nito mapasigla ang energy ng audience dahilan para sumigaw ito ng ngayo’y patok nang linya na “Sabay-sabay!”
Hindi naman nakaligtas ang Kapamilya singer-songwriter na si Moira nang mapansin ng netizens at tagasuporta ng UniTeam ang tila sablay din nitong pag-awit sa kanyang original medley sa Leni-Kiko Zamboanga sortie.
Sa video na in-upload ng Tiktok user na @barrilayasan3rd, mapapansing nahihirapan si Moira na awitin ang kanyang hit song dahilan para sabayan ito ng live audience at back-up vocals ng banda.
“Sino ditong handa nang umasa ulit?” mababasa sa text ng Tiktok video.
Hindi naman ito pinalampas ng VinCentiments at shinare pa sa kanilang official Facebook page ang naturang video.
“Asang-asa nga 'ko,” mababasa sa caption ng Facebook page.
Kasama ni Moira sa campaign leg sa Mindanao ang kapwa Kapamilya stars na sina Jolina Magdangal, at Erik Santos bukod sa iba pa.
Ang direktor at manunulat na si Darryl Yap at cinematographer na si Vincent Asis ang nasa likod ng sikat na short-film producing platform.