Nagkaisa ang mga tumatakbo sa panglokal na mga posisyon sa katimugang bahagi ng Metro Manila, mga opisyal mula sa Philippine National Police, Commission on Elections (Comelec), simbahan at advocacy groups para siguraduhin na ligtas, patas at mapayapa ang pagsasagawa ng eleksyon sa Mayo 9, 2022.

Sa ulat ni National Capital Region Police Office-Public Information Office (NCRPO-PIO) chief, Lt. Colonel Jenny Tecson, dakong 6:00 ng umaga ngayong Huwebes, Marso 17, naglunsad ang Pateros Municipal Station ng SAFE NLE 2022 KASIMABAYANAN sa San Roque Parish, B. Morcilla St., Brgy. Poblacion ng naturang bayan.

Sinundan ito ng misa at covenant signing ng 39 na lokal na kandidato, at dinaluhan nina Ronnie Villar, Acting Election Officer; Lyndon Glenn Imson, Diocesan Lay, Coordinator PPCRV, 1st Lt. Ralph Kevin I Casim, OIC NLE Pateros, Col. Aldrine Gran, hepe ng Pateros MPS at 15 tauhan, at 20 Advocacy Groups Members buhat sa LGBTQ, KKDAT at Force Multipliers.

Nagtipon-tipon ang mga ito sa harapan ng San Roque Parish Church bago isinagawa ang unity walk o sama-samang paglakad patungong Pateros Municipal Quadrangle, Brgy. Aguho, Pateros Metro Manila.

National

Bilang ng mga naputukan pumalo na sa 43, ilang araw bago ang Bagong Taon

Nagpakawala rin ng mga lobo bilang simbolo ng ligtas, patas at payapang halalan.

Dakong alas 7:00 ng umaga naman sinimulan ang unity walk magmula sa COMELEC-Pasay hanggang sa Sta. Clara de Montefalco Parish, Pasay City kung saan dito ginanap ang signing of manifesto at sinundan ng pagpapakawala ng mga puting kalapati.

Bandang 7:50 ng umaga nang umpisahan ang magkakasunod na Unity Walk, Interfaith Rally, at paglagda sa Peace Covenant ng mga lokal na kandidato ng Las Piñas City, na isinagawa sa Verdant Covered Court, Brgy. Pamplona 3 sa nasabing lungsod.

Nagsindi naman ng kandila, sinambit ang pledge of commitment at lumagda sa Peace Covenant ang mga kandidato ng Parañaque City na ginawa naman mismo sa Parañaque City Hall, dakong 8:45 ng umaga.

Lumagda rin ang mga lokal na kandidato ng Muntinlupa City sa Peace Covenant sa St. Peregrine Laziosi Parish, Tunasan sa naturang lungsod bandang 9:45 ng umaga.

Samantala dakong 10:00 ng umaga isinagawa ang signing of Peace Covenant ng mga kandidato ng lungsod sa Archdiocesan Shrine of St. Anne, Taguig City.