Number 4 trending sa YouTube ang 'Toni Talks' ni Toni Gonzaga, tampok ang dating housemate ng 'Pinoy Big Brother Otso' noong 2019, at ngayon ay character actress na si Hasna Cabral, kaugnay ng pagdiriwang ng International Women's Month.

Ayon kay Toni, bagama't hindi pinalad na masungkit ang titulong 'Big Winner', hindi naman daw niya malilimutan ang kuwento ni Hasna.

Nagkaanak si Hasna sa gulang na 20. Kuwento niya, graduating student siya noon nang mabuntis siya kaya inilihim muna niya sa kaniyang ina ang kalagayan. Siya lamang, ang karelasyon niyang lalaki, at ang mga matatalik niyang kaibigan ang nakakaalam.

Apat na buwan na ang kaniyang dinadala nang finally ay aminin niya ang totoo sa kaniyang ina, na tinanggap naman nito. Tinanong lamang daw siya nito kung ano ang plano nilang mag-jowa, na kilala na rin naman nito. Nagulat nga raw si Hasna sa reaksyon ng kaniyang ina na sabik na itong magkaapo. Siya lang daw kasi ang kaisa-isang babae sa limang magkakapatid.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Noong una raw ay halo-halo ang emosyon na kaniyang naramdaman. Natakot siya at nasabik. Natakot daw siya dahil baka harapin daw niyang mag-isa ang kaniyang pagbubuntis. Ang ama ng kaniyang first child ay college boyfriend niya. Inisip daw niya na masyado pa silang bata pa at kung kakayanin ba nila ang panibagong hamong kailangan nilang harapin. Ang naging mabigat na problema raw nila ay pinansyal lamang dahil ang pagmamahal at pagsuporta ay naroon naman, sa panahon ng kaniyang pagbubuntis.

Ilang linggo lamang pagkatapos ng panganganak, doon na raw nagkahiwalay sina Hasna at ang kaniyang ex-jowa; mga panahong wala pa siyang tulog o puyat, pagod, at inatake pa ng post-partum. Naka-diaper pa nga raw si Hasna dahil sa pagdurugo bagay na ikinagulat ni Toni.

Nakialam na rin ang ina ni Hasna sa naging pag-aaway nilang mag-jowa dahil nagkakapisikalan na raw sila. Dumating pa raw sa punto na naospital na siya dahil dinugo nang sobra dahil sa stress.

Sinubukan daw nilang ayusin ang problema nila, lumalabas pa sa date, pero hindi na talaga nila naibalik ang relasyon dahil nawala na raw ang pagmamahal nila sa isa't isa.

Nang nagtatrabaho na siya, dito naman niya nakilala ang ama ng kaniyang pangalawang anak, na kaniyang katrabaho. Marami raw magagandang pangako ang lalaki para sa kaniya. Nagmistula raw itong 'Knight in Shining Armor'. Kaya rin daw nitong maging ama sa kaniyang anak, bagay na matagal nang pangarap ni Hasna.

Hanggang sa nabuntis na nga si Hasna at naging maayos naman daw ang kanilang relasyon sa panahon ng kanilang pagbubuntis. Kung ikukumpara sa dating nakarelasyon, financially ay mas maayos naman daw sila. Kaya lang, ang naging isyu naman dito ay pagkakaroon ng third party.

Nang dumating na raw si Baste, ang pangalawang anak niya, saka niya napag-alaman na isang 'child with special needs' ang kaniyang panganay na si Nash, na na-diagnose na may Autism. Naikuwento pa niya na may kaibigan daw siya na nagrekomenda sa kaniyang ipalaglag na raw ang kaniyang ipinagbubuntis dahil baka may special needs din.

"Kahit na special pa 'yan, we choose life," sey daw ni Hasna sa kaibigan. "Kahit siguro dalawa sila okay lang."

Hindi malilimutan ni Hasna na may isang tao raw na nagsabing 'bobo' raw ang panganay na anak na si Bash; subalit ito ang nagsilbing wake up call para sa kaniya para ipasuri ang anak at kailangan niya ng tulong para dito.

Talagang araw-araw daw ay nagpakasipag siya sa trabaho para sa therapy ng kaniyang panganay na anak. Lumalaki na rin kasi si Baste. Nang mga panahon na 'yun ay hindi pa alam ni Hasna na child with special needs din ang kaniyang bunsong anak. Naalarma na raw si Hasna dahil 3 anyos na raw si Bash, hindi pa raw ito nagsasalita, kaya ipina-diagnose daw niya ito.

Dumating daw sa punto na kahit maganda na ang career niya bilang banker ay napapaisip pa rin siya dahil hindi niya nakakasama ang mga anak, dahil maaga siyang umaalis sa bahay at gabi na siya nakakauwi.

"This is not the life I wanted… It's time that I focus on my children," wika ni Hasna.

Nang mga panahong ito ay dumating naman ang pangatlong lalaki sa kaniyang buhay, na ang alok sa kaniya ay kasal. Naging inspirasyon pa nga raw ni Hasna si Toni, nang makita niya itong nanonood sa 'Rak of Aegis' noong 2014 kasama ang fiance pa nito noon na si Direk Paul Soriano.

Maganda raw ang naging offer sa kaniya ng pangatlong nakarelasyon kaya halos napapayag na rin siya, yamang sino ba namang babae ang hindi nangarap na maikasal?

Hanggang sa naikasal na rin sila noong 2018. Naging maganda at maayos naman daw ang kanilang buhay at nakapagpundar ng mga gamit at bahay. Ngunit 10 buwan pa lamang daw nagtatagal ang kanilang relasyon ay nagpapaalam na sa kaniya ang mister, sa mismong kaarawan niya.

"Sa birthday ko mismo, sabi niya… hindi na raw niya kaya," hanggang sa naging emosyunal na si Hasna. "Kasi sabi niya, hindi raw niya pala kami mahal pala. Yung realization niya after naming ikasal is… awa lang pala yung naramdaman niya sa amin. Kawawa lang kasi kaming mag-iina, tapos nabulag lang siya sa fact na nakaka-inspire ako as a woman… pero hindi… kawawa lang pala…"

Naintindihan naman daw ni Hasna ang kaniyang mister, dahil siya nga raw na nanay ng mga anak niya ay nahihirapan, isang tao pa kaya na hindi naman niya anak ang mga ito kung tutuusin?

Kaya lang, hindi raw niya alam ang sasabihin niya sa pamilya niya nang mga oras na iyon. Sobrang saya pa naman daw ng isa niyang kapatid na lalaki nang maikasal si Hasna, lalo na nang malaman nitong 'Daddy' na ang tawag ng mga anak niya sa kaniyang pinakasalan. Iyon daw kasi ang pangarap ng kapatid niya sa kaniya.

Nang mga oras na iyon, pakiramdam daw ni Hasna ay basura siya at mga anak niya.

"Sobrang sakit kasi akala ko mahal kami, sasaluhin kami, awa lang pala… that time, tingin ko sa sarili ko, basura… kami ng mga anak ko…"

Mapapanood ang buong detalye ng rebelasyon ni Hasna sa 'Toni Talks' na may 1,145, 726 views na, at may 5.22M subscribers.