Naglunsad ang Manila Health Department (MHD) ng mga exclusive school sites para sa pediatric vaccination kontra COVID-19  ng mga batang edad lima hanggang 11.

Ito ang inianunsiyo ni Aksiyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno nitong Huwebes, Marso 17.

Ayon kay Moreno  ang desisyon ay base sa rekomendasyon ni Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang pinakapinuno ng mass vaccination program ng pamahalaang lungsod gayundin ni Dr. Poks Pangan, na hepe ng MHD.

Anang alkalde, ang paglulunsad ng mga exclusive school sites para pediatric vaccination sa lungsod  ay kaugnay na rin ng pagpapaigting ng kampanya ng pamahalaang lungsod sa inoculation program laban sa COVID-19.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nabatid mula kay Lacuna na target ng MHD na mabakunahan  kontra sa COVID-19 ang higit sa libong mga bata sa apat na exclusive school sites sa Maynila.

Aniya, ang mga itinalagang lugar ay ang T. Earnshaw Elementary School, na may 200 na bata ;. Epifanio Delos Santos Elementary School, na may 300 na bata;  A. Lacson Elementary School, na may 300 na bata at  Isabelo Delos Reyes Elementary School, na may 500 na bata.

Ang lahat ng mga nasabing bata ay sinimulang turukan ng kanilang first dose ng COVID-19 vaccine noong March 16 at magtatagal hanggang sa Sabado. 

Ang Philippine government ay nagsimula ng kanilang pagpapatupad ng COVID-19 vaccination para sa mga batang edad lima hanggang  11 sa pamamagitan ng  “Resbakuna Kids” campaign.

Sinabi ng gobyerno na ang paglatag ng  “Resbakuna Kids” ay ipatutupad sa pamamagitan ng phased approach, kung saan gagamitin ang parehong hospital-based at local government unit (LGU)-based vaccination sites, upang maximize ang accessibility ng mga ito para sa general public.

Layunin ng programa na makapagbakuna laban sa  COVID-19 nang mahigit sa 70 million Pinoy sa buong bansa.