Nakikiisa ang Department of Education (DepEd) sa Department of Health (DOH) at iba pang medical association sa panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipawalang-bisa ang Vaporized Nicotine Products Regulation Act, na inaprubahan ng Senado sa pangatlo at huling pagbasa noong Disyembre 2021.

“Bilang institusyon ng pamahalaan na nagtataguyod sa kapakanan ng mga batang Pilipino, tayo ay naninindigan laban sa nasabing “anti-health” vape bill, na magpapahina sa umiiral na batas at executive order laban sa Electronic Nicotine Delivery Systems (ENDS) o Electronic Non-Nicotine Delivery Systems (ENNDS) na mas kilala bilang e-cigarettes o ‘vapes,’" pahayag ng DepEd nitong Huwebes.

Paliwanag ng DepEd, kung maisasabatas,pahihinainng naturang panukala ang mahahalagang probisyon na nakasaad na sa Republic Act No. 11467 at Executive Order No. 106 na parehong nilagdaan ng Pangulo noong 2020.

Pinapangasiwaan na ng batas at ng executive order ang electronic nicotine/non-nicotine delivery systems, heated tobacco products, at iba pang novel tobacco items.

Dagdag pa ng ahensiya, partikular na ibababa ng bill ang access restriction age sa 18 taong gulang mula 21— na kasalukuyang itinakda ng Republic Act 11467 at Executive Order 106.

Sa datos ng DepEd information system, para sa School year 2020-2021, hindi bababa sa 870,000 mag-aaral sa sektor ng pangunahing edukasyon ang nasa 18 taong gulang, habang halos 1.1 milyon mag-aaral sa senior high school ang nasa 18 hanggang 20 taong gulang.

Ito anila ang bilang ng mga mag-aaral na legal na pahihintulutan na bentahan ng mga nakapipinsalang produkto kapag naging batas ang naturang bill.