Simula ngayong buwan, makatatanggap na ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng ₱200 na buwanang subsidiya, ayon sa pahayag ng Malacañang nitong Huwebes, Marso 17.
Sa isang television interview, ipinaliwanag ni acting presidential spokesperson Martin Andanar, na aabot sa 12 milyong indibidwal ang makikinabang sa nasabing "ayuda."
Alinsunod sa programa, ang bawat pamilya ay makakakuha ng ₱1,400 hanggang ₱3,000 kada buwan bilang health and education grants, depende na rin sa bilang ng kanilang anak.
Tatagal aniya ng isang taon ang bigayan ng ₱200 na buwanang subsidiya.
"Ito pa ay on top of the 4Ps na ibibigay doon sa ating beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program," aniya.
"Once na ma-download 'yung pera na nagkakahalaga ng₱33 bilyon ay ibibigay na po talaga at ang target po ay this month masimulan na," sabi ni Andanar.
Nitong Miyerkules, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing subsidiya para sa mahihirap na pamilya upang mapagaan ang gastusin ng mga ito dahil sa epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.