Kahit naka-showbiz hiatus simula nang ikasal at sumabay pa ang pandemya ay nasa trending list ng Twitter ang misis ng aktor-negosyanteng si Matteo Guidicelli, na si Popstar Royalty Sarah Geronimo, hindi dahil may panibagong concert siya o buntis na siya, kundi hinuhulaan ng mga netizen kung isa ba siyang certified Kakampink.
Usap-usapan kasi ng mga netizen na baka raw sumama ang Popstar Royalty sa mga artistang magtatanghal para sa Leni-Kiko tandem, sa magaganap na campaign rally nito sa Pasig City.
Isa pa sa mga nagpapatindi na baka Kakampink si Sarah ay dahil sa mga kumakalat na litrato nila ni Nica Del Rosario, ang composer ng hit song niyang 'Tala,' na siya ring lumikha ng campaign song ng mga Kakampink na 'Leni Tayo' at 'Rosas'. Si Nica ay isang certified Kakampink. Ibinahagi rin ito sa Facebook page na 'Kapamilya Online World'.
Ang ABS-CBN showbiz reporter naman na si MJ Felipe, nag-tweet ng throwback video ni Sarah habang kumakanta ng awiting 'Titanium' sa isang mall show, bilang promotion ng isang sikat na fast food chain sa Pilipinas.
May mga litrato rin si Sarah na nakasuot siya ng pink na damit, na pinagsama-sama ng mga tagahanga at ginawang collage.
Narito ang ilan sa mga reaksyon at komento ng mga netizen.
"OH MY GOD SARAH G IS A KAKAMPINK???? ??."
"More of a fleeting type of hope. Na parang you're carrying a small light across a dim pathway. Ang galing din noong 3/4 waltzy na nagbibigay ng vigor doon sa hope na 'yun. And after learning na si Ms. Nica din ang nagsulat ng Tala. Sobrang bagay nga kay Sarah G. yung kanta."
"If true yung chika kay Sarah G sa Pasig na People's Rally for Leni, sana huwag nila i-announce na pupunta at magperform, surprise na lang sana para at least hindi masabi ng kabila na dahil lang sa kanya kaya maraming pumunta."
Samantala, wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni Sarah Geronimo tungkol sa bagay na ito. Hanggang ngayon din, hindi pa nagpapahayag ng kandidatong susuportahan si Sarah o maging ang kaniyang mister na si Matteo. Hindi pa rin kumpirmado kung kakanta nga ba siya sa campaign rally ng Leni-Kiko tandem sa Pasig.