Isa panalo na lang ay tuluyan nang makapasok sa semifinals ang Barangay Ginebra matapos padapain ang karibal na TNT Tropang Giga, 104-92, sa PBA Season 46 Governors' Cup sa Smart-Araneta Coliseum nitong Miyerkules ng gabi.
Sa ikalawang bugso pa lang ng laro ay nagpakitang-gilas na ang Gin Kings dahil nakuha ang 19 puntos na kalamangan.
Nagtuluy-tuloy na ang abante ng koponan sa tulong nina Justin Brownlee na nakaipon ng 38 puntos at 12 rebounds at Scottie Thompson na kumamada ng 23 puntos at 15 rebounds.
Gayunman, naging isa na lamang abante ng Ginebra, 71-70, nang matapos ang 3rd quarter. Hindi pa rin nawalan ng pag-asa ang koponan nang magpakawala ng sunud-sunod na tres sina Brownlee at Nards Pinto hanggang sa makuha ang 7-point lead, 8:30 ang natitira sa laro.
Sa kabila naman ng panalo, hindi pa rin kumpiyansa si Ginebra coach Tim Cone at sinabing ito pa lamang ang unang panalo ng koponan laban sa TNT mula nang ibulsa ang 2020 Philippine Cup sa bubble setup sa Clark, Pampanga.
“This is the first time that we beat them in the finals. They have our number and they have a real, good feel for what we like to do. Chot Reyes always has a good feel for what I like to do. He’s always been a tough strategist,” paliwanag ni Cone.
Bukod kina Brownlee at Thompson, nag-ambag din sa pagkapanalo ng Ginebra sina Japeth Aguilar na naka-21 puntos.
Nakagawa naman ng 22 puntos at 19 rebounds si Aaron Fuller at 20 puntos naman ang naiambag ni Troy Rosario habang naka-19 naman si Mikey Williams.
Kapag nanalo ang Gin Kings sa isa pa nilang laro kontra TNT sa Sabado, makukuha na nito ang isa sa puwesto sa 'Final Four' o semifinals.