Game na sinagot ni Ariel Rivera ang tanong sa kaniya ng isang netizen kung bakit siya nagbitiw bilang isa sa mga host ng noontime show na 'Lunch Out Loud' o LOL ng Brightlight Productions, na napapanood sa TV5, kalaban ng 'Eat Bulaga' ng GMA Network at 'It's Showtime' ng Kapamilya Channel.

Ang Brightlight Productions ay pagmamay-ari ng dating kongresista na si Albee Benitez.

Nailang pa nga ang host na si Cristy Fermin na basahin ang tanong sa kaniya ng netizen subalit mapilit naman si Ariel, na guest sa 'Cristy Ferminute' para i-promote ang season 2 ng 'Sing Galing'.

Inamin ng singer-actor na minabuti na lamang daw niyang umalis sa programa dahil nagkaroon umano ito ng problema sa budget. Ayaw na niyang magdagdag pa ng sakit ng ulo dito kaya umalis na lang siya. Pakiramdam daw kasi ni Ariel, kaya namang makatayo ng show kahit wala siya roon bilang host.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

"Unang-una may problema sa budget tapos ang producer namin, eh, mabait, sobrang bait. In fact, nalulugi na po siya, ayoko namang bumigat pa ‘yung problema niya," diretsahang sagot ni Ariel.

Pinabulaanan ni Ariel ang mga naunang ulat na masama raw ang loob niya sa management dahil tinaga-taga raw ang mga araw ng appearance niya sa show. Kung may masama raw, iyon ay masakit ang puso niya dahil labag man sa kalooban niyang iwanan ang mga kasamahan, iyon daw ang naisip niyang makabubuting gawin.

“So, imbes na mahirapan pa siya babawasan ko na lang ang gastos, umalis na lang ako. Kaya umalis ako ro’n hindi masama ang loob ko kundi masakit ang puso ko kasi mahal na mahal ko ‘yung mga tao ro’n. Kahit sinong tanungin n’yo ro’n, mahal na mahal ko ‘yung mga tao."

Masyado raw talagang galante at mapagbigay si dating Cong. Benitez. Ang totoo raw ay hindi na niya nagawang makapagpasalamat dito, kaya ginamit na niya ang pagkakataon para ipahatid ang kaniyang pagpapasalamat sa oportunidad na ibinigay nito sa kaniya sa show.

“Yung producer namin wala po siyang ginawa kundi ibigay ang kailangan ng show, kung ano ang kailangan namin binibigay niya po lahat. Kaya ayaw kong pahirapan siya, ang laki ng tulong niya sa show, nagpapasalamat ako."

“Hindi ko na siya napasalamatan, ngayon palang kaya kung nakikinig si Cong. Albee gusto kong magpasalamat sa inyo pero ayaw ko na maging pabigat sa production. And alam ko naman ang huhusay ng mga host doon, mabubuhay ‘yung show kahit wala ako ‘yun na lang. ‘Yun ang totoong dahilan po no’n."

Pinuri naman ni Cristy si Ariel dahil sa pagiging tapat nito.

Anyway, kahit na nasa TV5 si Ariel ay kabilang umano siya sa isang serye sa Kapuso Network na pinamagatang 'Apoy sa Langit'.