Ikinaiinis ng misis ni Presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno na si Dianna Lynn “Dynee” Domagoso ang mga kaibigang humihingi ng pabor sa kanya gamit ang puwesto ng asawa.

Sa panayam kay Boy Abunda, umupo si Dynee kasama ang anak na si Vincent Patrick Ditan upang ibahagi ang ilang personal na detalye ng kanilang pamilya ngayong tumatakbo sa pagkapangulo ang kanilang padre de pamilya.

Diretsahang inamin ni Dynee na hindi niya ikinatutuwa ang “palakasan system” o paghingi ng pabor sa isang opisyal ng gobyerno para mapabilis o makuha ang isang serbisyo.

“Ayoko ng ganun. Dumaan kayo sa proseso. Meron iba nagagalit. You know, mga kamag-anak. Hindi man lang naipasok sa eskwelahan. Hindi man lang natulungan,” pagbabahagi ni Dynee sa The Interviews Of The Wives And Children Of The 2022 Presidential Candidates ni Boy Abunda.

Ibinahagi rin ng misis na ilang mga taga hindi Maynila rin ang lumapit sa kanya para maipasok sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) na prayoridad ang mga estudyanteng Manilenyo.

“Nung panahon na yun, yung katwiran namin, pwede kang pumasok ng PLM kasi taga Maynila ka. Kung yung dating administrasyon nagpasok ng mga taga-San Juan, hindi pu-pwede ya ngayon. Sumunod lang tayo kung ano ang dapat,” saad ni Dynee.

“Ayoko nang ganun eh. ‘Pag hiningi mo sa akin, hindi kita kaibigan. Dahil may kailangan sa akin kaya mo ko kinakaibigan. Dun ako naiinis,” pag-amin ni Dynee.

Ganoon din ang naging sagot ng panganay nito na si Vincent. Bagaman pinauunlakan niya ang ilang simpleng pabor, ayaw ‘din nitong maging sangkot sa iba pang mabibigat na kasunduan.

“Generally, I won’t indulge them. But there are some good friends of mine that are asking for a bit of a connect which I am more than happy to do. It depends to the favor they ask like they won’t ask too much. A meeting is okay, it’s normal. That’s good. Anything more, I generally don’t,” ani Vincent.

Pagbabahagi rin ni Dynee, hindi siya nangingialam sa pamamalakad ng asawa kahit na sangkot siya sa kampanya nito.

“I only joined the campaign. Every local campaign, I handle it. I also handle our organization. Pero once na nanalo na si Isko, balik na ‘ko sa buhay pamilya, buhay negosyo. Hindi ako nakikialam sa kahit na anong palakad sa city hall,’ ani Dynee.

Samantala, hindi naman nababahala ang kampo ni Isko sa kabila ng 10 percent rating nito sa pinakahuling Presidential survey ng Pulse Asia.

"The fieldwork of their research was done mid-February. That's a month old. A lot of events have happened since," ani Lito Banayo, campaign manager ni Isko, sa isang pahayag.