Walang magaganap na pagtataas ng pamasahe sa mga tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3).
Ito ang tiniyak ni MRT-3 Director for Operations Engr. Mike Capati nitong Martes, sa kabila nang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon kay Capati, hindi pa nila pinag-uusapan ang taas-pasahe dahil ang pokus nila sa ngayon ay makatulong sa mga commuters at maiwasan ang pagbibigay ng karagdagang pasanin pa sa mga ito.
“Wala po tayong pinag-uusapan na pagtaas ng pamasahe. Never pa po 'yang pinag-usapan namin,” pahayag pa ni Capati, sa panayam sa radyo.
“Ang importante tulungan muna natin 'yung mga pasahero natin. Huwag na tayong maging pabigat pa. So far wala kaming pinag-uusapang ganyan,” dagdag pa ng MRT-3 official.
Matatandaang nitong Martes, ay sumirit muli ang mga presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ito na ang ika-11 sunud-sunod na linggo na nagkaroon nang pagtaas ng presyo ng krudo dahil sa kaguluhang nagaganap sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Nabatid na ilang fuel companies ang nagtaas ng presyo kada litro ng gasolina ng₱7.10,₱13.15 naman kada litro ang itinaas sa presyo ng diesel habang₱10.50 naman sa kerosene.