Nanawagan si Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno sa kanyang mga tagasuporta na huwag makipag-away sa social media.

Sinabi ni Moreno nitong Martes, Marso 15 na ang pag-aaway sa social media ay nagdaragdag lang ng bigat sa mga dalahin at stress na nararanasan ng mga mamamayan ngayong panahon ng pandemya.

“Madami ang silent majority kasi na nabibingi na sa bembang ng trolling napapagod na kaya ako na mismo nag-initiate.For the past two weeks,sabi ko, ‘wag sana mag-away ang message ko sa kanila,” ayon pa kay Moreno.

“Ayokong mai-stress ang mga tao sa dami ng problema. Tataas na naman ang langis, presyo ng mga bilihin, problema sa trabaho, sa sweldo, pandemya at giyera,” aniya pa.

Nakiusap si Moreno sa kanyang mga supporters na kimkimin na lamang ang pagmamahal sa kanila at ilagay na lamang ito sa balota sa nalalapit na halalan.

“Ngayon, ‘yung mga di pa desidido, tahimik na lang para di na ma-bash or ma-pollute ang mind nila tapos pagdating sa eleksyon, pwede naman mag-switch,” dagdag pa ng presidential aspirant.

Tinutukoy ni Moreno ang “Switch to Isko” movement na inilunsad ng kanyang mga taga-suporta.

Pinayuhan rin niya ang kanyang mga taga-suporta na i-text o i-message ang kanilang mahal sa buhay, kaibigan at kakilala na suportahan ang kanyang presidential bid.