Iniulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ang winning ticket na nabili sa Negros Occidental ang nagwagi ng mahigit sa₱98 milyong jackpot prize sa Grand Lotto 6/55 na binola nitong Lunes ng gabi, Marso 14.

Sa isang paabiso nitong Martes, sinabi ng PCSO na nahulaan ng lucky bettor na mula sa La Carlota City, Negros Occidental, ang six-digit winning combination na 09-17-45-39-35-15 ng Grand Lotto 6/55 kaya’t naging instant milyonaryo ito matapos na mapanalunan ang jackpot prize na₱98,551,582.

Upang makubra ang kanyang premyo, sinabi ng PCSO na kinakailangan lamang ng masuwerteng mananaya na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang winning ticket at dalawang balidong ID cards.

Paglilinaw naman ng PCSO, hindi buong makukuha ng lotto winner ang naturang premyo dahil ang lahat ng lotto winnings na mahigit₱10,000 ay isasailalim sa 10% tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion law.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ang mga premyong hindi naman makukubra sa loob ng isang taon ay ipo-forfeit ng PCSO at ilalaan sa kawanggawa.

Ang Grand Lotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.

Ito na ang ikatlong pagkakataon na may sole bettor na nakapag-uwi ng jackpot prize sa lottery games ng PCSO ngayong Marso.

Noong Marso 5, isang lone bettor mula sa Rizal ang nagwagi ng₱12.5-milyong jackpot sa Lotto 6/42 draw habang noong Marso 2 naman, isang masuwerteng mananaya mula sa Cavite ang nagwagi ng₱8.9-milyong jackpot prize sa Mega Lotto 6/45 draw.

Patuloy namang nananawagan si PCSO Vice Chairperson at General Manager Royina Garma sa publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games dahil ang malaking bahagi ng kinikita nila dito ay napupunta sa kanilang charity programs.