Patuloy pang pinaghahanap ng Taguig City Police ang isang Chinese national na namaril sa tatlong guwardiya na nagresulta ng agarang pagkamatay ng isa sa mga biktima sa binabantayang condominium nitong Marso 12.
Tumakas ang suspek na si Tan Xing, alyas Tan Zhennan, 22, isang Chinese national, binata, at nanunuluyan sa Shore Residences, 1014 Tower B, Pasay City, sakay ng ninakaw niyang isang kotse na gray Honda City na may plakang DR 2911.
Dead on the spot ang biktima na si Joel Pacana, nasa hustong gulang, security guard ng Mulberry Place Acacia Estates, Barangay Bambang, Taguig City sanhi ng ilang tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Ginagamot naman sa MCT Hospital ang mga kasamang guwardiya na sina Noriel Pojas at Hermoso Cordero, na kapwa tinamaan ng ilang bala sa katawan.
Ayon sa pulisya, naganap ang pamamaril sa gate ng Mulberry Place, Acacia Estates, Brgy. Bambang, Taguig City, dakong 10:00 ng gabi nitong Marso 12.
Sa inisyal na imbestigasyon, unang binaril ng Chinese ang guwardiyang si Cordero na rumesponde sa nagaganap na komosyon sa lugar. Kasunod nito, tinutukan ng baril ng suspek ang driver ng kotse na kinilalang alyas Destajo at tinangay ng Chinese ang sasakyan upang tumakas.
Habang papalapit ang kotse sa gate na binabantayan nina Pacana at Pojas, biglang namaril ang suspek na nagresulta ng pagkamatay ng isa sa mga biktima.
Napag-alaman na si Tan ay nakulong noong Pebrero 2022 sa Parañaque City Police dahil sa kasong slight physical injury at nakalaya matapos maglagak ng piyansa.
Nanawagan ang awtoridad sa publiko na ipagbigay alam agad ang kinaroroonan ng suspek at tumawag sa 8642-2062.