Kumpiyansa si Xian Gaza sa kanyang teyorya na ang social media publicity kaugnay ng isang convenience store sa Cubao at isang Kakampink ay kontrolado ng kalaban ni Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo para siraan ang buong kampanya nito at ang mga Kakampink.
Matapos ang sagutan nina Xian Gaza at ng nagpakilalang Kakampink na si Valentine Rosales, isang pasabog pa ang pinakawalan ng tinaguriang Pambansang Marites. Bagong chika nito, bayaran umano ang 'nagpanggap' na Kakampink.
“This guy [Rosales] is not a legitimate Kakampink. Under siya sa payroll ng kalaban. This entire 7-eleven drama is just black propaganda against Leni's campaign. It's a master plan. It's the brainchild of someone I know. Ni-recruit nila ang taong ito two weeks ago kapalit ng pera at massive exposure,” saad ni Xian.
Hindi man binanggit kung kaninong partikular na kampo ang tinutukoy nito, idinetalye naman Xian ang aniya’y naging estratehiya ng kampo para mas maging kapani-paniwala ang lahat.
“Ang plano ay magpapanggap ang subject as Kakampink tapos magpo-post siya ng picture with Leni's tumbler and pink damit. Gagawan nila ito ng kwentong barbero caption at sasadyain na maraming edits para mawalan ng credibility ang post at maging katawa-tawa and very vulnerable to bashing.
“After a few hours from the time of posting eh pa-pa-viralin nila ito through massive sharing upang ma-bash ng husto ang subject nang mapasama ang buong kakampink community,” pagpapatuloy ni Xian.
Ang mga nabanggit ang umano’y dahilan kung bakit hindi pa rin natinag si Rosales at pinanindigan nito ang kanyang Facebook post sa kabila ng matinding pambabatikos na inabot online.
“Pinapalaki pa niya lalo ang issue upang lalo siyang ma-bash. Yun din ang dahilan kung bakit handang-handa siya sa kanyang new Kakampink profile picture right after the entire 7-eleven drama. Naka-plano kasi ang lahat. Bayad kasi siya. Nakuha na niya yung massive attention na gustong-gusto niya,” mabibigat na teyorya ng social media personality.
Dagdag pa ni Xian, “last week” pa niya nalaman ang buong black propaganda sa isang credible source na kanya namang sinakyan para makinabang at maging relevant.
“Tuwang-tuwa sila kahapon nang malaman nila na ang pambansang marites na si xian gaza ay sasawsaw sa issue. Alam kasi nila kung gaano katindi ang social media mileage ko. Akala nila ay napakinabangan nila ako sa kanilang negative campaigning,” pagtatapos ni Xian.
Sunod pa nitong ipinaskil sa hiwalay na Facebook post ang larawan ni Rosales kasama si senatorial aspirant at dating presidential legal counsel Salvador Panelo.
Matatandaang nakuha rin ni Panelo ang pormal na endorsement ng Lakas-CMD chairperson at Vice Presidential candidate na si Davao City Mayor Inday Sara, ka-tandem ng mahigpit na karibal ni Robredo sa Palasyo, si dating senador Bongbong Marcos Jr.