Kinukuwestyon daw ngayon ng mga netizen kung si Megastar Sharon Cuneta ba talaga ang orihinal na kumanta ng iconic song na 'Sana'y Wala Nang Wakas', na kamakailan lamang ay naging usap-usapan, dahil sa pagpapahayag ng pagkadismaya ni Ate Shawie sa pagkanta rito ni senatorial candidate Salvador 'Sal' Panelo, sa isang event noong Huwebes, Marso 10, 2022.
Agad namang nagpaliwanag dito si Panelo at sinabi niyang isa siyang certified Sharonian o tagahanga ng Megastar noon pa man; isa pa, alay niya ito sa kaniyang yumaong anak na si Carlo Panelo III na may Down Syndrome.
Bukod sa 'Sana'y Wala Nang Wakas', inawit din ni Panelo ang 'Ikaw' sa burol ng anak noong 2017. Ito rin ay isa sa mga signature song ni Mega.
Sa pagdagsa ng mga negatibong komento dahil sa ginawa umano ni Shawie, may mga netizen na nagsabing hindi naman daw si Mega ang orihinal na kumanta nito kundi ang balladeer na si Jun Polistico. Pang-aakusa pa nila, cover lamang daw ang ginawa ni Sharon at nagkataong mas sumikat lamang ito sa kaniya.
Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, hindi totoo ang pinagsasabi ng ilang mga netizen na si Jun Politisco ang tunay na original singer ng naturang iconic song na nilikha ng yumaong si Willy Cruz.
Ginamit umano itong official soundtrack ng 1986 blockbuster movie na pinagbidahan nina Sharon, Dina Bonnevie, at Cherie Gil na may katulad na pamagat.
Matagal umanong nanirahan si Jun sa Amerika at nang bumalik siya sa Pilipinas noong 1991, nagkaroon siya ng kontrata sa Viva Records. Ang cover ng 'Sana’y Wala Nang Wakas' ang carrier single ng kanyang record album, ayon pa sa ulat ng PEP.
Sa isang Facebook post noong Pebrero 5, 2021 ay nagbigay siya ng detalye tungkol dito. Siya mismo ang nagsabi na ang 'Sana'y Wala Nang Wakas' ay napabilang lamang sa kaniyang album.
“Leopoldo Asuncion is the man God used to bring me back from the US to the Philippines 30-years ago to book me 13 series of shows w/Pagcor which I also was contracted by VIVA to record my 'Back Again' album with Sana'y 'Wala Nang Wakas' as the single carrier."
"And in the next two years in d' lowest point of my life D' LORD JESUS found me & got born again. I thank the Lord for having this man a channel of his plan in my life," aniya pa.
Nangangahulugan, mas nauna talaga ang 'Sana'y Wala Nang Wakas' kay Shawie kaya siya ang maituturing na orihinal na singer nito at hindi si Jun.
Samantala, wala pang tugon o pahayag ang Megastar tungkol sa isyung ito.