Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) nitong Lunes na maaari nang makapag-avail ng tulong pinansyal mula sa kanila ang mga babaeng dumaranas ng sakit na kanser.
Sa pahayag ng PhilHealth, kabilang sa kanilang alok ang Z Benefit packages para sa ilang gynecologic illnesses, kabilang na ang early stage breast cancer (stage 0 to III-A) sa halagang₱100,000, kasama ang surgery at chemotherapy, at iba pa.
Ang mga babaeng may cervical cancer ay maaari ring makakuha ng PhilHealth benefit package base sa kanilang treatment options.
Kabuuang₱125,000 ang available para sa mga nangangailangan ng primary surgery o pelvic cobalt radiation na may mababang dose ng brachytherapy, habang₱175,000 naman ang available para sa pelvic radiation na may linear accelerator at high dosage brachytherapy.
Nagpaalala rin ang PhilHealth na nagtakda sila ng selection criteria upang matiyak ang high survival rates at mas magandang health outcomes.
Sa kasalukuyan anila ay lumagda na ang PhilHealth ng mga kontrata sa 19 na pagamutan para sa kanilang Z breast cancer package at anim na ospital para sa kanilang cervical cancer package.
Bukod naman sa kanser, pinaalalahanan rin ng PhilHealth ang mga kababaihan hinggil sa iba pang mga benepisyo na kanilang iniaalok, gaya ng treatment para sa gynecological problems kabilang na ang ovarian cystectomy (₱23,300), vaginal hysterectomy (₱30,300), dilatation at curettage (₱11,000), at mastectomy (₱22,000).
“PhilHealth remains committed to the health and well-being of Filipino women through the various benefit packages it offers in partnership with accredited and contracted healthcare providers nationwide,” pahayag pa ng state insurer.