Handa na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa tigil pasada o transport strike na itinakda ng grupo ng jeepney drivers at operators sa Martes, Marso 15.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes nakalatag na ang contingency measures upang siguraduhin na ang mga pasahero ay hindi mahihirapan sa transport strike ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).
“Agency buses and trucks will be prepositioned to provide free rides to commuters and transport them to the EDSA Bus Carousel. “Libreng Sakay” signage will be attached to vehicles so that the public can easily identify them,” sabi Artes.
Aniya nakahanda na ang deployment ng nasa 20 na sasakyan kabilang ang 11 commuter vans, anim na bus, at tatlong military trucks.
Inihayag pa ni Artes na imomonitor ng Metrobase sa pamamagitan ng closed circuit television (CCTVs) cameras sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila na maaapektuhan ng tigil-pasada para naman sa quick dispatching ng "Libreng Sakay" vehicles.
Bukod dito, magdedeploy din ang MMDA ng traffic personnel at mga miyembro ng Road Emergency Group sa ba't ibang lugar ng National Capital Region upang asistehan ang mga motorista at pasahero o commuters na maaaring maapektuhan ng transport strike.
“Our personnel are ordered to manage traffic and provide assistance to commuters during the transport strike,” ani Artes.
Samantala,magseserbisyo rin ang Pasig River Ferry Service, bilang alternatibong transportasyon sa mga pasahero na may operasyon mula Lunes hanggang Sabado.