Isa na namang big-time price increase ang inaasahang ipatutupad ng mga oil companies sa produktong petrolyo sa Marso 15.

Pangungunahan ng Pilipinas Shell ang nasabing hakbang kung saan magtataas ng ₱13.15 kada litro sa presyo ng diesel, ₱10.50 sa presyo ng kerosene at ₱7.10 naman sa presyo ng gasolina.

Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya ng langis sa kahalintulad na dagdag-presyo.

Ikinatwiran ng mga kumpanya ng langis ang paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang merkado at epekto ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine. Sa loob ng sampung linggong price increase sa mga petsang Enero 4, 11, 18, 25 , Pebrero 1, 8, 15, 22, Marso 1 at 8 ay umabot na sa ₱17.50 ang itinaas ng diesel, ₱14.40 sa kerosene at ₱13.25 naman sa gasolina.

Kaugnay nito, umaalma na ang mga motorista sa sunud-sunod na taas-presyo sa produktong petrolyo

Anila, dapat nang kumilos ang gobyerno upang maputol na ang serye ng pagtaas ng presyo ng langis sa Pilipinas.