Nilinaw ng Commission on Higher Education (CHED) Chair Prospero de Vera III na tuloy-tuloy ang scholarship nito at isang partikular na programa lamang ang pansamantalang sinuspinde dahil sa kakulangan ng pondo.

"Medyo naguluhan 'yong pagkakalabas ng balita. Ang hindi lang po napondahan o kulang ang pondo na scholarship ng CHED ay 'yong merit scholarship na binibigay based on grades," ani de Vera sa isang Laging Handa press briefing.

Giit ng opisyal na maraming scholarship at programa ang itinataguyod ng CHED, kabilang ang tertiary education subsidy, Tulong Dunong, at mga grant para sa mga medical students at dependents ng mga sugar workers.

"Hindi po apektado 'yan, iyan po ay mayroong pondo," dagdag pa ni de Vera.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nabanggit ni De Vera na ang mga pondo para sa mga iskolar ay buo at ang pagsususpinde ay sumasaklaw lamang sa mga bagong aplikasyon.

Aniya, "Sinuspinde natin na tumanggap ng mga bagong application sa CHED Merit scholarship dahil kulang po ang pondo, iyon lang po ang apektado."

Sinabi ni De Vera na nasa 5,000 slots lamang ang apektado kumpara sa bilang na sakop ng buong financial program ng CHED, na maaaring umabot sa humigit-kumulang 700,000 para sa pinagsamang benepisyaryo ng tertiary education subsidy at Tulong Dunong lamang.

Dagdag pa niya na ang mga bagong mag-aaral na dapat mag-a-avail ng merit scholarship ay maaaring mag-aplay sa halip ng dalawang tulong pinansyal na ito.

Ang Merit Scholarship ng CHED ay isang taunang mapagkumpitensyang iskolar na ibinibigay sa mga mag-aaral batay sa kanilang mga marka mula sa nakaraang taon ng pag-aaral at maaaring gamitin para sa pagbabayad ng tuition, miscellaneous fees, at iba pang gastusin sa edukasyon ng mga mag-aaral.