Pinahanga ng artist na si Sheila Paren mula sa Baguio ang netizens sa kanyang artwork na pinamagatang "Mamukadkad ka, Pilipinas."
Aniya, sabay sa pamumukadkad ng mga bulaklak sa Baguio, kung saan ipinagdiriwang ang Panagbenga Festival o "season of blooming," nais din niyang makita na mamukadkad ang bansang Pilipinas kaya naman ginawa niya ito.
Ang artwork ay gawa sa heavy gel na nasa 60x80 cm ang laki.
"I’m currently doing a floral series of PH map and this is my second piece. Di ko pa sana ipo-post until I finished the rest but I’m just so excited to share this now," ani Paren sa kanyang Facebook post.
May malalim na pakahulugan naman ang sining ni Paren na kanya namang binigyan ng interpretasyon.
Ayon sa kanya, ang mamasa-masang patak ng tubig ay sumisimbolo sa bawat luha ng mga Pilipino na pumapatak tuwing dumadaan ito sa masidhing kaligayahan at gayundin sa kalungkutan.
Dagdag pa niya, maaari rin itong maging simbolo ng buhay ngunit sa kabilang banda ay maging simbolo ng pagkawasak dahil sa mga bagyong dumadaan sa bansa.
Samantala, ang mga nakakalat na bulaklak sa paligid ng mapa ay magiging simbolo tuwing ang ating bansa ay namumulaklak, ang kagandahan ay lumalaganap.
Kaya naman upang lalong mamumukadkad ang bansa, ani Paren, kinakailangang pamunuan ang bansa ng pinunong may malinis na puso ay mabuting hangarin.
"I hope and pray that our next leader will have a pure heart and intention with a great vision to make a better nation. God bless our country and together, let’s make it bloom!" hiling ni Paren para sa parating na eleksyong pang-nasyonal.
Sinimulan ni Paren ang kanyang "Mamukadkad ka, Pilipinas" artwork collection Agosto nakaraang taon, 2021.
Bukod sa nauna niyang sining na gawa sa heavy gel, mayroon rin siyang artwork na gawa naman sa watercolor at acrylic.