Mukhang hindi apektado si 'The Voice Kids' of the Philippines season 1 Grand Winner Lyca Gairanod sa mga kritisismong natatanggap niya kaugnay ng pagpayag na kumanta sa campaign rally ng UniTeam, na pinangungunahan nina presidential candidate Bongbong Marcos at vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte.
Matatandaang agad na nag-trending sa Twitter ang pangalan ni Lyca noong Marso 11 ng gabi matapos maispatan ng mga netizen ang pangalan niya na isa sa mga magtatanghal sa gaganaping campaign rally at motorcade ng UniTeam sa The Tent Global South, Gatchalian, Las Piñas City sa darating na Linggo, Marso 13, 2022, na nauna nang ibinahagi ng kongresistang si Camille Villar, kapatid ng tumatakbong senador na si Mark Villar.
"Magkita kita po tayo ngayong Linggo Las Piñeros!" saad sa caption ng art card na ibinahagi ni Villar. Bukod kay Lyca, nakalinya rin sa mga celebrity na magtatanghal para sa audience ang mga bandang Silent Sanctuary, Hale, Plethora, at sina Andrew E at Toni Gonzaga.
Marami sa mga netizen ang nakiusap na huwag sanang i-cancel ng ibang mga tagasuporta ng ibang kandidato si Lyca. Una, menor de edad pa lamang ito at hindi naman daw botante. Pangalawa, ito raw ay trabaho para kay Lyca.
Ngayong Marso 13, 2022, si senatorial candidate Mark Villar naman ang nanawagan sa kaniyang Facebook post.
"Mga ka-UniTeam! Magkita-kita tayo mamaya sa The Tent Global South at ipakita ang suporta para kay BBM at kay Inday Sara. Abangan ang mga special performances nina Plethora, Lyca Gairanod, Hale, Silent Sanctuary, Andrew E at ni Toni Gonzaga. Kita-kits mga ka-UniTeam!" saad ni Villar, kalakip ang mga litrato ng mga nabanggit na performers.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magtatanghal si Lyca sa isang campaign rally ng isang kandidato. Hindi pa siya botante dahil menor de edad pa lamang siya. Sa Nobyembre 21, 2022 ay ipagdiriwang niya ang kaniyang 18th birthday.
Samantala, isa pa sa mga performers na ikinagulat ng mga netizen ay ang bandang 'hale' na nagpasikat ng awiting 'The Day You Said Goodnight'.