Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), may kabuuang 1,791 katao na ang naaresto dahil sa paglabag sa gun ban ng Commission on Elections (Comelec).

Kabilang sa mga nahuli ang 1,740 sibilyan, 27 security guard, 15 pulis, at siyam na tauhan ng militar, ayon sa pahayag ng PNP.

Idinagdag nito na may kabuuang 1,673 police operations ang nagbunga ng 1,379 na baril, 7,634 piraso ng bala, at 650 na nakamamatay na armas.

Sa pinakahuling datos nito, sinabi ng PNP na ang nangungunang limang rehiyon sa bilang ng mga naarestong lumabag ay ang National Capital Region na may 598, na sinusundan ng Central Visayas 189; Central Luzon 124; Calabarzon 187; at Western Visayas 100.

Ayon sa Comelec Resolution No. 10728, ang pagdadala at pag-transport ng mga baril o nakamamatay na armas ay ipinagbabawal sa labas ng tirahan at sa lahat ng pampublikong lugar mula Enero 9 hanggang Hunyo 8.

Exempted sa pagbabawal ang mga alagad ng batas ngunit dapat silang magkaroon ng awtorisasyon mula sa Comelec at magsuot ng uniporme na naaayon sa utos ahensya habang nasa opisyal na tungkulin sa panahon ng halalan.

Ang mga lalabag ay mahaharap sa pagkakulong ng hindi bababa sa isang taon ngunit hindi hihigit sa anim na taon, at hindi dapat sumailalim sa probasyon.

Nahaharap din sila sa disqualification mula sa paghawak ng pampublikong opisina, pag-alis ng karapatan sa pagboto, at pagkansela o permanenteng diskwalipikasyon sa pagkuha ng lisensya ng baril.