Bumulagta ang tatlong armadong lalaki nang makipagbarilan sa mga awtoridad na ikinasawi rin ng isang pulis sa Calatagan, Batangas nitong Sabado ng gabi.
Ang tatlo ay kinilala ng pulisya na sina Joel Robles Herjas, Rolly Herjas, at Gabriel Robles Bahia, pawang taga-Brgy. Biga Calatagan, Batangas.
Isa naman sa mga pulis na nagresponde sa lugar ang namatay sa Metro Balayan Medical Center dahil sa tama ng bala sa dibdib. Nakilala ang pulis na si Patrolman Gregorio Panganiban, Jr.
Dalawa naman ang naiulat na nasugatan na sina Joselito Carlum at Mayumi Dunaway at isinugod sila sa ospital.
Paglilinaw ni Batangas Provincial Police chief, Col. Glycerin Cansilao, nangyari ang sagupaan nang magresponde ang mga tauhan ng Calatagan Municipal Police sa Calatagan Cockpit arena kung saan namataang umaaligid ang mga suspek na armado ng baril.
Naiulat na pagdating ng grupo ni Panganiban sa lugar ay bigla na lamang umano silang pinaputukan ng mga suspek.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang kaso.
Aaron Recuenco