Natimbog ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 10 (PDEA-10) ang ₱27 milyong halaga ng iligal na droga sa Iligan City, Lanao del Norte nitong Sabado ng gabi.
Nakapiit na sa PDEA Regional Office sa Cagayan de Oro City ang suspek na si Arnel Asuncion matapos mahulihan ng limang plastic ng umano'y shabu sa ikinasa na anti-drug operation sa Barangay Maria Cristina ng naturang lungsod.
Paliwanag ni PDEA-10 director Jigger Montallana, dalawang buwan na nilang tinitiktikan si Asuncion kaugnay ng pagbebenta nito ng iligal na gamot.
"We have been monitoring him for two months now. He was driving alone from Lanao del Sur and our agents negotiated with him in Iligan City with₱500,000 as downpayment," sabi pa niya sa isang pulong balitaan.
Naniniwala rin si Montallana na miyembro ng malaking sindikato si Asuncion na nag-o-operate sa Mindanao.
"This is our objective, that we can capture bulks of illegal drugs in one operation. Once it enters the region, these substances will be repacked into grams and it would take time to trace them altogether," dagdag pa ng opisyal.
PNA