Patuloy na nakikipaglaban ang 54 anyos na si Tatay Teofilo Soledad Jr. at ang kanyang pamilya sa buccal squamous carcinoma, isang uri ng invasive cancer cells na unang inakalang isang simpleng tonsillitis lang.

Sa pagsusuri ng mga doktor, kasalukuyan na itong nasa Stage IV-B dahilan para manawagan na ng tulong ang kanyang pamilya para sa paggaling ng ama.

Larawan mula Mary Joy Soledad

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Nakapanayam ng Balita Online ang anak mismo ni Tatay Teofilo na si Mary Joy Soledad at ibinahagi nito ang buong kalagayan ng ama.

Aniya, taong 2020 nang makaranas ng sintomas ng tonsillitis si Tatay Teofilo. Nagpabalik-balik umano ang kanyang lagnat at tila hirap sa paglunok. Dahil tila nagagamot ito noong una, nagpasya silang bumalik ng Julita, Leyte upang hindi maipit sa noo’y kabi-kabilang lockdown sa Metro Manila. Sa Las Pinas nakikituloy si Tatay Teofilo noon.

Unang napansin ang bukol sa leeg ni Tatay Teofilo noong Disyembre 2020 dahilan para muli silang magbalik ng Maynila. Dito unang sinuri ang sitwasyon nito kung saan kulani ang inisyal na obserbasyon ng checkup.

Dahil sa takot noon sa patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Metro Manila, inabot pa hanggang Marso 2021 bago muling makapagpa-check up at kalauna’y makatanggap ng rekomendasyong CT scan si Tatay Teofilo para sa mas malalim na pagsusuri.

Dahil sa kakulangan sa pinansyal na aspeto, humingi na ng piso-pisong tulong sila Mary Joy sa social media para sa ilang serye ng gamutan ni Tatay Teofilo. Muli rin silang nagpasyang umuwi ng Leyte para suriin na ang kalagayan ng ama sa Eastern Visayas Regional Medical Center (EVRMC).

Sa kasamaang palad, ilang buwan muli ang lumipas bago ang puspusang gamutan ni Tatay Teofilo dala ng kakapusan ng pamilya pagdating sa pinansya.

“Napaliban po yung pagpapagamot namin doon sa Leyte dahil din po financially walang-wala po talaga kami. Isa lang o ang nag ta-trabaho, yung kuya po namin na pangalawa, ay ‘di po sapat para matugunan ung pabalik-balik ng ospital,” pagbabahagi ni Mary Joy sa sitwasyon nilang apat na magkakapatid.

“Pahinanti po ung kuya ko at may anak din po [na tinutustusan],” dagdag ni Mary Joy.

Sa mabilis na paglaki ng bukol ni Tatay Teofilo, dito na nabuo ang loob ng pamilya na muli silang sumugal sa Maynila noong Setyembre 2021. Sa Philippine General Hospital (PGH) nila nilapit ang kalagayan ng padre de pamilya.

Ilang mabigat na balita naman ang natanggap ng pamilya kabilang ang kumpirmasyon ng unang diagnosis na buccal squamous carcinoma. Ayon sa pag-aaral, ang "squamous cell carcinoma of the buccal mucosa has an aggressive nature, as it grows rapidly and penetrates well with a high recurrence rate."

Humingi ng pahintulot ang Balita kay Mary Joy sa pagsasapubliko ng examination assessment ni Tatay Teofilo

“Inulit po yung biopsy, CT scan at yun nga po nasa Stage IV-B na po agad si tatay ?at ‘di na mao-operahan dahil nakita nga daw sa CT scan nya na ung bukol bot na daw po sa skull niya [kaya] na bawal na raw maoperahan. Nung time o na nalaman namin Yuyng result at sinabi din kay tatay nawalan po si tatay ng chance na gagaling siya. Napanghinaan po si tatay ng loob,” paglalahad ni Mary Joy.

Dahil sa lalong pagiging agresibo ng cancer cells sa katawan ni Tatay Teofilo sa paglipas ng mga buwan, mula Pebrero 2022, nagpasya na lumakas ang loob nito sumailalim sa tracheostomy at gastronomy tube operation na naging paraan upang makahinga at makatanggap siya supplemental na pagkain sa kabila ng kanyang kalagayan.

Dumating din sa punto na tila sumuko na at nawalan ng pag-asa si Tatay Teofilo ngunit naniniwala pa rin sila Mary Joy sa tagumpay ng laban ng ama.

"Nung time po na nalamn namin yung result at sinabi din kay tata, nawalan po si tatay ng chance na gagaling sya ??. Napang hinaan po si tatay ng [lakas ng] loob," pagbabahagi ng anak.

Larawan mula Mary Joy Soledad

Kasalukuyang, nanawagan ng tulong pinansyal ang pamilya ng ama para sa patuloy na laban nito. Sumasailalim ngayon Tatay Teofilo sa arawang 35-day radiation session sa PGH.

Larawan mula Mary Joy Soledad

Maliban sa mga gamot, at ilan pang pangangailangang medikal na sinasagot ng PGH, pasan ngayon ng pamilya ang bigat ng arawang pamasahe sa pagbiyahe mula sa kanilang inuupahang bahay sa Las Pinas patungong PGH sa Maynila para sa radiation ni Tatay Teofilo.

"Ang treatment po radiation, 35 days session. Ang request po ang doktor makahanap kami ng matitirhan malapit sa PGH ? Kasi araw-raw po yung session na yun mahihirapan at gagastos po kami nang malaki pagpuuwi pa po ng Las Piñas. Yun po yung problema namin sa ngayon," saad ni Mary Joy.

Sa kabila nito, patuloy pa rin nilang inilalaban ang sakit ng ama. Nakasandig ngayon si Mary Joy sa kabutihan ng ilang netizens para sa laban ng kanilang pamilya.

Para sa mga nais magpaabot ng tulong, nagbigay ng kanyang Gcash number si Mary Joy sa Balita Online: 09109712569. Maaari rin makipag-ugnayan sa kanyang Facebook account.