Tinatayang 75 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱510,000 ang nasamsam sa apat na drug personalities sa ikinasang buy-bust operation ng mga elemento ng Southern Police District- Drug Enforcement Unit (SPD-DEU) sa Muntinlupa City nitong Marso 12.

Kinilala ni SPD Director, Brigadier General Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Arnold Mendoza, 42; Maria Belen Camacho,51; Michael Pilares, 36, jeepney driver; at Thorne Jordan France,19, isang high value individual, estudyante, pawang taga-Muntinlupa City.

Doble hinagpis: Karo ng patay sinalpok ng 14-wheeler truck sa Cavite

Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa United Power System, SMI Village, Brgy. Sucat, Muntinlupa City,dakong 1:00 ng madaling araw ng Sabado, nang maaresto ang apat na suspek.

Nakumpiska ang anim na pakete na naglalaman ng shabu, marked money at black leather pouch. 

Ang mga suspek ay dinala sa SPD DDEU Office para sa dokumentasyon at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

“I would like to commend the District Drug Enforcement Unit of SPD for their successful buy bust operation conducted in Muntinlupa City, ito ay produkto ng maayos na paghahanda at pagpaplano upang hulihin ang mga taong gumagamit at naglalako ng illegal na droga sa ating nasasakupan, makikita po ng ating mga kababayan na walang humpay ang operasyon nang Southern Police District sa paghuli ng illegal na droga sa ating nasasakupan, upang hindi na ito muli pang makapinsala ng buhay ng inosenteng tao na gagamit nito,” ani Macaraeg.