Itinakda na ng Department of Education (DepEd) sa buwan ng Hunyo hanggang Hulyo ang pagdaraos ng End-of-School Year (EOSY) Rites para sa School Year (SY) 2021-2022.
Sa isang paabiso, sinabi ng DepEd na ang mga EOSY Rites para sa Kindergarten, Grades 6, 10, at 12 learners ay maaaring idaos sa anumang petsa mula Hunyo 27 hanggang Hulyo 2, 2022.
Ayon sa DepEd, ang magiging tema ng naturang mga aktibidad ngayon ay “Gradweyt ng K to 12: Masigasig sa mga Pangarap at Matatag sa mga Pagsubok” (K to 12 Graduates: Pursuing Dreams and Fostering Resilience in the Face of Adversity).
“This school year, we recognize that despite the risks and uncertainty brought by the COVID-19 pandemic, as well as the challenges it has posed to education, our Filipino learners remain resolute in their desire to build a better future anchored on a clear vision,” pahayag pa ng DepEd.
Nakatakda na rin anilang magpalabas ang DepEd ng mga guidelines para sa pagdaraos ng mga EOSY rites ngayong taon.
Una nang sinabi ng DepEd na posibleng makapagdaos na ang mga paaralan ng face-to-face graduation ceremonies ngayong taon kung patuloy na huhusay ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.