SAN FERNANDO CITY, La Union - Sunug na sunog ang isang bangkay ng lalaki na pinaniniwalaang hinoldap nang matagpuan sa kagubatan sa Barangay Bato ng nasabing lungsod kamakailan.
Hindi na makilala ang biktima, gayunman, kinumpirma ng pulisya na ito ay si Tyrone Abuan, 21, taga-San Gabriel, La Union, batay na rin sa pahayag ng ama nito.
Sa pahayag naman ni Brgy. chairman Gloria Munar, ang bangkay ay nadiskubre ng kanyang pamangkin habang kumukuha ng panggatong sa gubat.
Paliwanag ni Munar, natagpuan din ng mga pulis ang motorsiklo ng biktima sa ibaba ng bundok nitong Miyerkules.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang mga suspek at motibo sa krimen.
Erwin Beleo