Humihingi na ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isang ginang na taga-Pasig City upang matunton ang pinagbentahan nito ng kanyang sanggol sa Quezon City kamakailan.
Aminado ang ina ng sanggol na marami na itong utang dahil sa pagkalulong sa "talpak" o online sabong kaya naisipan niyang ibenta ang anak ng₱45,000.
Sa Facebook live ng Pasig News Today, sinabi ng ginang na nag-post ito sa social media upang ibenta angwalong buwang gulang na bunsong anak.
Aniya, may nakausap siya sa social media na pagbebentahan nito ng sanggol at nag-alok umano sa kanya ng₱20,000, gayunman, hindi siya pumayag.
Aabot aniya sa₱50,000 ang una niyang hinihingi hanggang sa nagkasundo sila sa₱45,000 kaya agad silang nagkita sa isang lugar sa Quezon City kung saan nangyari ang bentahan nitong Marso 3.
Gayunman, pagdating nito sa kanilang bahay sa Pasig City ay agad na nagbago ang kanyang pasya at tinawagan ang katransaksyon upang bawiin ang kanyang anak. Ngunit, hindi na ma-contact.
Tinangka pa umanong ilihim ng ginang sa kanyang asawa ang insidente, gayunman, nabisto rin ito.
Nauna nang idinahilan ng ina ng sanggol na na-stress ito matapos mabaon sa utang kaya naisipan niyang ipagbili ang kanyang anak.
Kinumpirma rin ng kanyang asawa na nalulong sa online sabong ang misis.Nanawagan naman ang mag-asawa sa mga awtoridad na gumawa ng hakbang upang matukoy at matunton ang pinagbentahan ng kanilang anak.