Si Zack Nimrod Tabudlo, 20 years old, na tubong Las Piñas, ay lumabas at nakilala sa telebisyon noong 2014 at nag-audition sa 'The Voice Kids Season 1' at naging bahagi ng Camp Kawayan o ang Team Bamboo na pinangungunahan ni The Voice Coach at dating bokalista ng bandang Rivermaya na si Bamboo Mañalac. Hindi man siya pinalad na magwagi sa nasabing patimpalak, nagsumikap siya at patuloy na nagsulat ng mga kanta upang magpatuloy sa kanyang pangarap na maging isang musikero.
Makalipas ang halos anim na taon, inilabas ni Zack Tabudlo ang kanyang debut single na ‘Nangangamba noong 2020. Naging maugong ang kanyang single at umani ng magagandang komento at feedback sa mga nakikinig. Sa sumunod ring taon ay isinulat niya ang kantang ‘Binibini.Lumikha ng record ang kantang ito at kinilala bilang 'top local song' sa Spotify's Philippine Chart.
Taong 2021 rin nang ilabas niya ang kanyang kauna-unahang song album na tinawag niyang 'Episode'. Ilan sa mga sumikat na awitin sa nasabing album ay ang 'Give Me Your Forever, 'Para sa Ex' (kung saan naging bahagi ng music video ang aktor na si James Reid) at ang 'Habang Buhay' (na pinagbidahan naman ng mga vlogger na sina Cong TV at Viy Cortez)'. Naging matagumpay ang kanyang debut album dahil nagkamit ito ng dalawang Platinum awards mula sa Philippine Association of the Record Industry.
Patuloy na nagiging maugong ang pangalan ni Zack dahil sa mga bagong awiting inilalabas niya. Nakuha niya marahil ang kiliti ng mga nakikinig sa kanya. Nito lamang isang taon, sa araw mismo ng kanyang kaarawan ay ibinahagi niya sa publiko ang kanyang kantang 'Pano'. Ayon sa kanya, ang awiting ito ay tungkol sa isang taong nagmahal nang sobra ngunit hindi naging sapat at sinaktan pa rin. Ito na marahil ang bagong 'hopia song ng ating panahon. 'Yung kahit wala ka namang jowa ay mapapahugot ka pa rin.
Kung interesado ka at nais mong maramdaman ang 'feels at chill' vibes ng mga awitin ni Zack, maaari kang magtungo at hanapin ang kanyang pangalan sa Spotify,Youtube at Facebook.