Make a way, coz Lolo Smart is on the way!

Screen Grab from Lolo Smart's YT channel

Naku! Sira na naman ba ang inyong appliances sa bahay gaya ng electric fan at microwave oven? Walang bukas na repair, tinatamad kang lumabas o wala ka nang budget? Hep! Hep! Huwag ka nang kumunot diyan, may rescue na tayong on-the-go. Don't you worry dahil hindi ka naman gagastos dito nang malaki. Internet connection lamang ang puhunan mo rito. Oras na para makilala mo ang ating bagong ‘to-the-rescue Grandpa’ – si Lolo Smart.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sa henerasyon natin ngayon na halos lahat ay may smart phones, hindi na masyadong mahirap ang paghahanap natin ng solusyon sa kahit anong problema. Talaga nga namang nasa mga palad na natin ang solusyon at hindi na kailangang lumayo pa. Isang pindot lang at tiyak na tuloy ang ligaya.

Screen Grab from Lolo Smart's YT channel

Panahon na upang makilala ninyo si ‘Lolo Smart’ sa mundo ng Youtube.

Siya ay isang dating repair man na gumawa ng Youtube channel upang ibahagi ang kanyang mga kaalaman sa ibang tao. Sa kanyang 40 years na pagiging beteranong repair man, paniguradong hinarap niya na ang lahat ng uri ng sira ng kasangkapan sa bahay.

Kung usapang sira naman sa ulo, aba’y hindi na sagot ni Lolo Smart yan! Magpa-konsulta ka na sa isang espesyalista, kapatid.

Sa kabilang banda, ang karanasan ni Lolo Smart ay isang malaking bentahe upang mas marami pa tayong matutunan. Tiyak na mawiwili kayo sa panonood sa kanya gaya ng pagkahumaling natin sa ating mga erpats at lolo habang nagkukumpuni ng mga gamit. Hindi nakakaburyo ang kanyang mga videos dahil kalmado siyang magsalita. Hindi gaya ng tatay mong nagagalit kapag malikot kang humawak ng flashlight sa tuwing nilalagyan niya ng langis ang sasakyan.

Dahil sa pandemyang dumapo sa ating bansa, napilitan si Lolo Smart na tumigil sa kanyang ginagawa at nanatili na lamang sa kanyang bahay dahil na rin sa siya ay senior citizen na at hindi pinapayagang lumabas ang mga matatanda. Hindi nawala ang pagkahilig niya sa pangungumpuni kung kaya’t naisip niyang ipasa ang kanyang kaalaman na hinasa ng karanasan sa mga taong laman ng internet. Ang tanging nais lamang niya ay makatulong at makapagbigay ng kaalaman sa bagong henerasyon.

Sa pag-uulat, ang kanyang Youtube channel ay mayroon pa lamang halos apat na libong (4k) mga subscribers. Maliit ito kung ikukumpara sa ibang channels na wala namang kapararakan ang mga ‘content.'

Si Lolo Smart ay ilan lamang sa uri ng tao na hindi ipinagdadamot ang kanyang kaalaman mula sa karanasan. Kailangan ng mundo natin ngayon ang gaya niya dahil malaking bagay ang matuto sa mga taong hinubog ng karanasan.

Huwag nating itago lamang ang kaalamang bigay ni Lolo Smart dahil isa ang karanasan sa sangkap upang mas lalong tumibay ang ating pundasyon.

Kaya naman kapatid, ‘wag ka nang mag-atubili at sabay-sabay tayong mag hit like and subscribe and ring the notification bell para mas lalo pang maging updated kay Lolo Smart.