Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na pinag-aaralan na ngayon ng mga eksperto ang posibilidad na magpatupad ng Covid-19 Alert Level 0 sa bansa.

Sa Laging Handa press briefing nitong Huwebes, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na maayos ang kinalabasan nang pagbaba ng National Capital Region (NCR) at ng 38 pang lugar sa bansa, sa Alert Level 1 mula Marso 1 hanggang 15.

Balik na rin aniya ang mga negosyo sa full capacity ng mga ito.

Patuloy pa rin naman aniyang nakapagtatala ang bansa ng mas mababa pa sa 1,000 na new Covid-19 cases kada araw nitong nakalipas na anim na araw at umaasa ang mga awtoridad na bababa pa ang naturang numero hanggang sa 500 na lamang.

“Malay natin baka naman pwede nang mag-deescalate to Alert Level 0. Pero 'yung Alert Level 0, pag-uusapan pa 'yan ng IATF (Inter-Agency Task Force Against Covid-19),” ayon pa kay Duque.