Number 1 top pick pa rin sa pagka-pangulo si dating Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa pinakabagong survey ng Manila-Bulletin-Tangere sa 2022 elections na inilabas nitong Miyerkules, Marso 9, 2022.
Sa resulta ng survey, isinagawa noong Marso 1-4, 2022, ipinakita na nanguna si Marcos Jr. na may 48.75% ng respondents sa buong bansa ang pumili sa kanya bilang susunod na Pangulo ng Pilipinas.
Pangalawa naman si Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso na nakatanggap ng 22.67% ng voter preference, habang pangatlo naman si Vice President Maria Leonor "Leni" Robredo na may 17.29% ng respondents.
Sa mga presidential bets, nairehistro ni Robredo ang "pinakamalaking" pagtaas na 2.5% mula sa survey na isinagawa noong Pebrero 2022.
Ito ay dahil sa tumaas na suporta mula sa Visayas, Southern Luzon, at Bicol Region.
Samantala, bumaba ng halos 3 percentage points ang rating ni Marcos kumpara sa survey noong Pebrero.
Sina Senador Panfilo "Ping" Lacson at Emmanuel "Manny" Pacquiao ang nasa ikaapat at panglima na puwesto na may 5.75% at 3.96%, ayon sa pagkakasunod.
Ang iba pang presidential bets ay nakatanggap na mas mababa sa 1% ng voter preference.
Labor rights activist Leody de Guzman, 0.54%; dating Defense Secretary Norberto Gonzales, 0.29%; at dating presidential spokesperson Ernesto Abella, 0.25%.
Samantala, 0.50% ng mga respondents ang hindi pinangalanan ang kanilang kandidato.
Ang Manila Bulletin-Tangere survey ay may margin of error na +/-1.94 porsyento na may confidence level na 95%.
Nasa kabuuang 2,400 Pilipino na nasa hustong gulang (12% sa Metro Manila, 20% sa Visayas, 23% sa Mindanao, 23% sa Northern at Central Luzon, 22% sa Southern Luzon at Bicol Region) ang lumahok sa survey gamit ang Tangere mobile app.
Ellalyn De Vera-Ruiz