Dapat na umanong ipawalang-bisa ang Republic Act 8479 o ang Oil Deregulation Law upang muling makontrol ng pamahalaan ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni Father Jerome Secillano, executive secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng maimpluwensiyang Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) kasunod na rin nang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa kaguluhang nagaganap ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Matatandaang taong 1998 nang aprubahan ang RA 8479 kung saan tinanggalan ng kapangyarihan ang pamahalaan upang pahintulutan ang mga kumpanya ng langis ng kakayahang makipagkompetensya para sa suplay at pagpepresyo ng mga produktong petrolyo.
“Dahil sa Oil Deregulation Law, pakiusap lang ang pwedeng gawin ng pamahalaan sa mga oil producer na pababain ang presyo ng petrolyo. At dahil pakiusap lang, wala itong pangil na agarang pagpapasunod sa mga oil producer na huwag munang magtaas ng presyo ng kanilang produkto,” ayon kay Secillano, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Dagdag pa ng pari, mas makabubuti ring babaan o tuluyan nang tanggalan ng excise tax ang mga produktong petrolyo dahil lalo lamang itong nakadaragdag sa pang-araw-araw na pasanin ng publiko.
Ipinaliwanag ni Secillano na bagamat makakaapekto ito sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ay mapapagaan naman nito ang buhay ng bawat mamamayan lalo na ang mga nasa sektor ng transportasyon.
“Malaking kabawasan ito sa kaban ng gobyerno ngunit ito ay isang pamamaraan ng dakilang paglilingkod kung saan ang kapakanan ng taumbayan ang pinahahalagahan at hindi ang pagpapayaman ng pamahalaan,” ayon sa pari.
Hinimok rin naman niya ang administrasyong Duterte na bigyan rin muna ng subsidiya o tulong ang mga drayber ng pampublikong sasakyan upang panandaliang makaraos sa kabila ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
“Kung gagawin ito ng gobyerno, mawawalan ng dahilan ang mga operator at driver na humirit ng dagdag pasahe na lalo pang magpapabigat sa bulsa ng mga ordinaryong pasahero,” aniya.
Simula kahapon, tumaas ng mula₱3 hanggang₱6 ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa na inaasahang madadagdagan pa sa mga susunod na linggo.
Batay sa ulat ng Department of Energy na magmula noong Enero ng kasalukuyang taon, tumaas ang presyo ng gasolina sa ₱9.65 kada litro, ang diesel sa ₱11.65 kada litro, at ang kerosene naman ay tumaas ng ₱10.30 kada litro. Mary Ann Santiago