Nakatakdang magbukas ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City ng isang protection center na naglalayong tulungan at bigyan ng kanlungan ang mga kababaihan, bata, at mga miyembro ng LGBTIQ (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Intersex, Questioning) na biktima ng pang-aabuso at diskriminasyon.

Ang groundbreaking ceremony ay ginanap nitong Martes, Marso 8, na minarkahan ang International Women’s Day.

Ayon kay Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, ang Mandaluyong City Protection Center for Women, Children & LGBTIQ ay itatayo sa Dr. Fabella Street sa Barangay Mauway.

Ang proyekto ay pinangunahan din ng Gender and Development Office ng Mandaluyong, City Engineering at City Planning office, at ng National Center for Mental Health.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Sinabi ni Abalos na palaging proactive ang lungsod sa pagprotekta sa kapakanan ng mga kababaihan, kabataan, at LGBTIQ citizens nito.

Ito rin ay nagsusulong para sa responsableng pagiging magulang, dahilan ng paglikha ng Code of Parental Responsibility nito, upang matiyak na ang mga kabataan ng lungsod ay gagabayan nang maayos ng kanilang mga magulang, at magiging responsable ang mga magulang para sa kanilang mga anak.

Noong Setyembre 20, 2021, ang Mandaluyong City ay kinilala rin ng People Management Association of the Philippines (PMAP) para sa pagsisikap nitong tulungan ang mga mahihirap na pamilya at paglikha ng mga programa para sa kapakanan ng mga batang may espesyal na pangangailangan sa pamamagitan ng paggawad dito ng 2021 National Exemplar-People Program of the Year (PPY) sa Public Sector para sa Project TEACH (Therapy, Education and Assimilation of Children with Handicap) nitong programa.

Ipinaliwanag ng PMAP na ang PPY Award in Public Sector ay ibinibigay sa isang organisasyon o institusyon na nagpatupad ng isang programa na una, makabago, at makabuluhan sa panahon at pangangailangan ng mga benepisyaryo nito.

Patrick Garcia