Hindi hadlang kay Presidential aspirant na si Yorme Isko Moreno kung siya ay maglakad na lamang sa kanyang pangangampanya sa Davao City. Ito'y kaugnay ng pagbabawal ni Vice Presidential candidate Sara Duterte sa mga nagpapalanong mag motorcade campaign sa kanilang lungsod.

Sa ilalim ng Executive Order No 10, series of 2022, ipinagbabawal ng lungsod ang motorcade dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sanhi ng girian ng Ukraine at Russia. Dagdag nito, maaari rin maging sanhi ng mabigat na trapiko ang nabanggit na event.

Biro pa ng alkalde ng Maynila, itutuloy niya pa rin ang pagpunta sa Davao at handa raw siyang maglakad habang nangangampanya roon.

"Pwede naman ako maglakad sa Davao", aniya sa isang maikling panayam nitong Martes, Marso 8.

Giit pa niya, wala raw siyang plano na ipagbawal ang motorcade campaign sa Maynila at palaging bukas ang kanilang lungsod sa sinumang nais mangampanya rito.

"Basta welcome sila sa Maynila. Sa Maynila, hindi kailangan ng permit," dagdag niya.

Dahil sa lumalalang sitwasyon at kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine, labis na naaapektuhan nito ang suplay at maging ang presyo ng langis sa bansa.

"Why not?," nang tanungin kung handa rin ba siyang magpatupad ng parehong ordinansa gaya ng sa Davao City upang makapagtipid ng petrolyo.