Nag-react ang panganay na anak ni Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo na si Aika sa umano’y agawan ng valedictorian award na kinasangkutan niya at ng pamangkin ni Prof. Antonio Contreras noong 2004.
Sa unang installment ng #MeetRobredoSisters ng LGBTQIA+ for Leni, umupo ang Robredo sisters sa isang chikahan para mag-react sa mga panlalait, at fake news ng mga trolls laban sa kanilang pamilya.
Dito hiningi ng hosts na sina Mela Habijan at Sassa girl ang reaksyon ni Aika sa 18-taon nang isyu na muling naungkat noong nakaraang Enero.
Paratang ng netizen: “Hinahalintulad kasi nila [Robredo sisters] sa kanila [ang] mga cheater! Mantakin mo anak mo Leni [Robredo], [yung] panganay, mang-aagaw ng pagka-valedictorian during their high school. Buti na lang ‘di sila nagtagumpay, nabuking nung parents ng tunay na magaling at may utak ang anak! Lutang kasi yan anak ni Leni.”
Matatandaan na naglabas ng magkahiwalay na Facebook posts ang magkapatid na Antonio at Benjie Contreras kaugnay ng isyu.
Isang nagpakilalang class adviser rin ni Aika at ng pamangkin ni Contreras ang dumepensa sa mga Robredo at pinalagan ang unang paratang ng propesor.
“Hindi namin alam actually kung bakit ginagawan ng isyu kahit hindi naman. Never kami nagsalita about it. Una, alam naman ng lahat nung mga taga-doon sa’min kung ano talaga ang nangyari,” saad ni Aika.
Sa Unibersidad de Sta. Isabela sa lungsod ng Naga nagtapos ng high school si Aika. Dito naging kaklase ni Aika ang pamangkin ng propesor na si Kei Contreras.
“Parang ayaw namin i-dignify yung isyu kasi number one, the whole time na nag-aaral kami never nang-influence yung magulang namin sa school. Sunod, actually kami happy naman kami without it so parang, bakit ngayon?” dagdag niya.
Hindi naman napigilang mag-react din ni Jillian sa isyu na apat na taong-gulang pa lang noon nang mangyari ang isyu.
“Mag-22 [years old] na 'ko so kailangan nila mag-move on,” natatawang saad ni Jillian.
Ilang fakes news at mean tweets pa ang tinawanan na lang ng magkakapatid sa naturang segment.
Samantala, nakuha ni Aika ang kanyang Bachelor of Science, major in Management Engineering sa Ateneo de Manila University. Taong 2018 nang matapos nito ang kanyang master’s degree in Public Administratuon sa Harvard Kennedy School.