Isa na yata ang lumpiang shanghai sa bahagi ng handaan na palaging inaabangan ng mga tao. Parang ‘celebrity’ kumbaga dahil palaging bida at tiyak na hindi mawawala sa lamesa ng bawat pagtitipon. Kapag sinabing ‘always present’ ang lumpiang shanghai, sa lahat ng okasyon ay kasama ito. Sa birthday, kasalan, binyagan, at sa marami pang pagkakataon. Mabisa rin itong pulutan ng mga Tito at erpats nating manginginom at siyempre pa ay pang-meryenda.
Kamakailan sa isang ranking website na ‘Taste Atlas’ ay nanguna ang lumpiang shanghai sa listahan bilang pinakamasarap na pagkain sa Timog-Silangang Asya. Nagtala ito ng average na 4.8 stars bilang rating kasabay ng tortang talong na may kaparehong rating. Hindi nga maitatanggi na ang lumpiang shanghai ay may kakaibang kiliti sa duyan ng panlasa hindi lang ng mga Pinoy kundi pati na ang ibang lahi.
Sa kabilang banda, habang matagumpay na nasakop ng ating bidang lumpiang shanghai ang panlasa ng marami, tila hindi naman masyadong nagustuhan ng marami ang pagkain nating balut. Hindi masyadong naging mabenta ang lasa nito kung kaya’t nagtala lamang ito ng 2.7 stars na rating sa parehong ranking website bilang pinakamababa sa Timog-Silangang Asya. Hindi naman ito nakakabigla sapagkat kakaiba nga ang itsura nito at marahil ay bibihara lamang ang ma-engganyo sa lasa nito.
Sa nakalipas na ilang dekada, habang nagbabago ang teknik at istilo ng mga tao sa pagluluto, hindi naman ito nakaapekto sa trono ng Lumpiang Shanghai sa hapag ng mga Pinoy bilang pinakamasarap at pinagkakaguluhan. Kung nais mong dalhin mismo sa inyong sariling mesa ang mga rolyong ito, narito ang pinakasimpleng pamamaraan upang gawin ito.
Ihanda ang mga sumusunod na sangkap:
• 1/2 kilo giniling na baboy
• 40 piraso pambalot ng lumpia (wrapper)
• 1 sibuyas (hiniwa)
• 4 cloves bawang (hiniwa)
• 2 piraso karot (hiniwa)
• 2 piraso patatas (hiniwa)
• Asin at paminta panimpla
Kapag naihanda na ang mga pangunahing sangkap, narito ang susunod na step:
- Pagsamahin lamang ang lahat ng sangkap maliban sa wrapper.
- Sa isang wrapper, ilagay ang ang pinaghalong mga sangkap at karne at irolyo na gaya ng lumpia.
- Magpainit ng mantika sa isang kawali at kapag tama na ang init ay ilagay na ang mga lumpia hanggang sa maluto.
- Ihain ito kasama ng paborito mong sawsawan.
Likas na sa ating mga Pinoy ang magkaroon ng barayti ng mga pagkain dahil sa mayaman nating kultura. Hindi na rin bago sa atin ang mga nagsusulputang balita na maging ang mga lokal nating produkto ay tinatangkilik na rin maging ng ibang lahi. Gayunpaman, mananatili ang pagkaing pinoy bilang bahagi ng hapagkainan sa buong Asya.