Sinabi ni vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte na kung siya at ang kanyang running mate na si dating Senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang mananalo, buburahin nila ang lahat ng "kulay" o political colors.

Mainit na tinanggap ng mga residente ng Bulacan ang UniTeam slate sa kanilang campaign rally sa Guiguinto, Bulacan nitong Martes, Marso 8, 2022.

Ayon kay Duterte, sisikapin nila ni Marcos Jr. na magkaisa ang mga Pilipino.

"Sinasabi po namin na kapag kami ang inyong pinili na maging pangulo at pangalawang pangulo ng ating bansa, pagkatapos po ng eleksyon ay buburahin po namin ang lahat ng kulay," ani Duterte.

"Isa lang po tayo, Pilipino tayong lahat, saan po tayo pupunta? hihilahin po namin kayo papunta sa tuloy-tuloy na kaunlaran ng ating bansa,”dagdag pa niya.

Sa selebrasyon ng International Women's Day, hinimok ni Duterte ang mga kababaihan na magtayo ng kanilang negosyo upang makatulong sa kanilang pamilya maging sa ekonomiya ng Pilipinas.

Samantala, inendorso ni Bulacan Vice Governor Willy Sy-Alvarado ang presidential bid ni Marcos Jr.