Naniniwala si Presidential aspirant Vice President Leni Robredo na ang botohan sa Mayo 2022 ay isang defining moment para sa mga kabataan sa bansa dahil binubuo nito ang humigit-kumulang 52 porsiyento ng kabuuang voting population na maaaring magdikta sa resulta ng mga botohan sa pagkapangulo.
Kamakailan, binanggit ni Robredo na karamihan sa kanyang campaign rally ay dinaluhan ng mga kabataan.
“Pag tiningnan po natin ‘yung kasaysayan sa buong mundo, halos lahat ng pagbabago nag-uumpisa sa mga kabataan,” aniya sa mga tao nitong Martes, Marso 8, sa Bislig City Cultural and Sports Center sa Surigao del Sur.
“Kaya sana po hindi nyo maramdaman na hindi nyo pa panahon ngayon, ang panahon nyo sa susunod pa. Hindi po ‘yun totoo. Ang panahon nyo ngayon na,” dagdag niya.
Sa 63 araw na natitira bago ang botohan sa Mayo, hiniling ng Bise Presidente ang mga batang tagasuporta sa madla na maging masigasig para sa kanyang kampanya hanggang sa katapusan.
Sinabi rin ni Robredo na huwag silang "magkamali" sa pagboto sa mga maling kandidato dahil ito ay higit pa sa mga personalidad ng tumatakbo para sa pinakamataas na posisyon ng bansa.
“Pero ‘yung bobotohan po natin, anong klaseng gobyerno ‘yung mamumuno sa atin in the next six years,” aniya.
Sinimulan niya ang campaign sorties ngayong linggo sa Caraga Administrative Region upang makipagpulong sa mga lokal na opisyal, lider ng sektor, at mga boluntaryo.
Pagkatapos ng kanyang campaign rally sa Bislig, dumalo si Robredo sa isang concelebrated mass sa San Nicolas de Tolentino New Cathedral. Matapos nito, siya ay nasa multisectoral assembly sa Tandag City upang makipagkita sa mga kinatawan mula sa iba't ibang sektor sa lugar.
Bilang nag-iisang babaeng presidential bet, gugunitain niya ang Pambansang Buwan ng Kababaihan ngayong taon na may Women’s Summit sa Surigao del Norte Provincial Convention Center, kung saan siya maghahatid ng pangunahing talumpati.
Upang tapusin ang kanyang araw, sasama si Robredo sa isang caravan mula Surigao del Norte Provincial Gym hanggang sa Tavern Hotel Compound sa Surigao City, kung saan gaganapin ang isang people’s rally. Makikipagkita rin siya kay Bishop Antonieto Cabajog sa Bishop’s Residence sa Surigao City.
Hindi ito ang unang pagkakataon na bumisita sa probinsiya ang Bise Presidente. Isa rin siya sa mga unang bisita pagkatapos ng pananalasa ng Bagyong Odette noong Disyembre 2021.
“Oo nga, ano talaga , very active ‘yung volunteers natin diyan. In fact, during the relief operations ng Typhoon Odette, sila din ‘yung tumulong nang tumulong sa atin,” ani Robredo sa kanyang vilunteers.
Bukod sa relief operations pagkatapos ng bagyo, ang Angat Buhay projects ng Bise Presidente ay mayroon ding 43 na proyekto, na nagkakahalaga ng P11 milyon, sa lalawigan.
Ibinahagi ni Robredo na bibisita siya sa Barangay Danawan sa Surigao City para tingnan ang isang proyektong pinangunahan niya doon sa ilalim ng sustainable livelihood at training program para sa mga mangingisda.
Sa kasagsagan ng pandemya, ang Office of the Vice President (OVP) ay nagbigay din ng personal protective equipment (PPE) at medical supplies sa mga institusyong medikal sa Burgos, Dapa, Del Carmen, Gigaquit, Pilar, Placer, San Francisco, Socorro, at Santa Monica.
Sa ilalim ng termino ni Robredo, ang OVP ay nagpatupad ng 107 proyekto sa Caraga sa pagitan ng 2016 at 2022, na nagkakahalaga ng mahigit P20 milyon.
Raymund Antonio