Nagbabalik ang tinaguriang 'half-human, half-zombie' na si Rastaman ngunit hindi para kumanta ng 'wiggle, wiggle, wiggle,' kundi para benggahin ang iba't-ibang politiko lalo na ang ilang kilalang pangalang tumatakbo ngayong eleksyon.

Sa TikTok video ni Rastaman, nauna nitong pinuri ang senatorial aspirant na si Luke Espiritu at sinundan ng pag-atake kay Larry Gadon ukol sa naganap na SMNI Senatorial Debate.

"Nagkaroon na ng debate sa presidential, nakita ko 'yung debate ni Senador Luke Espiritu at tsaka ni pulpol [Larry] Gadon, 'yung mukha ay puro nguso. Nang-aagaw ng eksena nagsasalita pa si Senador Luke Espiritu. Senador Luke, tama ang ginagawa mo. Bastos, nagsasalita ka pa, salita nang salita ang puro nguso ang mukha, 'yung kalaban mong si Gadon," ani Rastaman.

Nagpahayag naman ng pagka-dismaya si Rastaman sa eleksyon sa Mayo 9. Sinimulan rin niya ang magbato ng patutsada sa pamilya Marcos dahil sa umanong "ill gotten wealth" ng pamilya.

Aniya, "'Yung eleksyon ngayon, bangungot kasi 'yung Marcos [ill gotten] wealth dyan, dyan sila naglalabasan 'yung mga sakim. 'Yung sakim sa pera. 'Yan naglalabasan na ang mga t'yanak. Ito ang eleksyon ng mga t'yanak. Naglalabasan na ang mga bloodsucker, mga sakim. Greedy, mga t'yanak ang tawag dyan."

Dagdag pa niya, magiging magulo ang botohan lalo na't naglipana ang mga "sakim" at wala nang ibang ginagawa kundi asikasuhin ang mga masasamang personal na intensyon.

"Ang eleksyon ngayon puro ang kinukuha mga magnanakaw, mamamatay tao, mukhang pera! Kaya 'yung sumayaw lang ng budots, nanalo na!"

Sunod naman na naglabas ng saloobin si Rastaman kontra sa tandem nina Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Sara Duterte.

"'Yung tandem ng BBM at tsaka Sara. Alam niyo na 'yan, 'yung history n'yan. Kumbaga, 'yung diktador noon; Kung ano ang puno, iyon ang bunga. Alangan namang puno ng mangga, mamumunga ng santol?" ani Rastaman.

Binansagan pa niyang "Balik-Bayan Magnanakaw" si BBM.

"Kaya 'yung BBM, "balik bayan magnanakaw" 'yan. Kilabot 'yan. Alam na ng buong mundo 'yan. Diktador ang pinanggalingan niyo."

Muling bumalik sa diskusyon si Rastaman sa "isyu" ng magaganap na eleksyon at sa debateng Espiritu at Gadon.

Aniya, "Naglabasan na, naglipana na ang mga sakim ngayong taon ng eleksyon… Bangungot pa rin ang mangyayari sa Pilipinas na 'yung nagsasalita… 'yung binara si Senador Luke Espiritu, nagsasalita pa."

Tinawag pa ni Rastaman si Gadon na "half-human, half-nguso."

"Sabi ni Luke, "It's my time, 'wag kang bastos." Talaga naman… Sa mukha pa lang ng kalaban niya, puro nguso. 'Yan ang tinatawag na "half-human, half-nguso." Mga alien 'yan, mga t'yanak 'yan," ani Rastaman.

Si Rolando Plaza o "Rastaman" ay isa sa mga idineklarang nuisance candidate ng Commission on Elections noong tumakbo ito taong 2019.