Halos 200 Pilipino ang nakaalis na sa Ukraine sa gitna ng patuloy na digmaan nito laban sa Russia, pag-uulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes, Marso 8.

Ibinunyag ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola na may kabuuang 199 na Pilipino sa Ukraine ang pinauwi na o naghahanap ng matutuluyan sa iba't ibang borders malapit sa bansang apektado ng digmaan habang naghihintay ng repatriation.

Nitong Martes ng hapon, 63 overseas Filipinos ang naiuwi na sa Pilipinas habang anim ang inilikas sa Poland, 33 ay kasalukuyang nasa Moldova, 73 sa Romania, siyam sa Austria, at 15 sa Hungary.

Dumating sa Maynila Martes ng umaga ang 21 Filipino seafarers, na na-stranded sa Port of Odessa sa Ukraine. Inilikas sila sa Moldova bago bumalik sa bansa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Noong Linggo, Marso 6, dumating din sa Maynila ang tatlong grupo ng mga Filipino evacuees kasama ang kanilang mga dependent. Nagmula sila sa Kyiv at iba pang lugar sa kanlurang bahagi ng Ukraine.

Ang unang grupo ay kinabibilangan ng apat na Filipino adults na may tatlong Filipino-Ukrainian na anak kasama ang kanilang tatlong Ukrainian na ina. Ang ikalawang grupo ay binubuo ng dalawang Filipino na nasa hustong gulang, isang Filipino-Ukranian na bata, at ang kanyang Ukrainian na ina habang ang ikatlong grupo ay kinabibilangan ng tatlong Filipino nationals mula sa Kyiv na dumating sa kanilang sariling pagsisikap.

Itinaas ng DFA ang alert level 4 para sa mga Filipino national sa lahat ng lugar sa Ukraine noong Lunes, Marso 7, dahil sa“rapidly deteriorating security situation” sa bansa.

Ibig sabihin, ipinapatupad ang mandatory evacuation ng lahat ng Pilipino sa dayuhang lupain.

Betheena Unite