Humataw ang Facebook Analytics score ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo ngayong buwan at nalampasan na si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang Facebook Analytics score ay sumusukat sa potensiyal ng mga tao na maging botante ng isang partikular na kandidato.

Ayon sa data scientists na sina Wilson Chua at Roger Do, si Robredo ang nakakuha ng pinakamalaking pagtaas mula Pebrero hanggang Marso pagdating sa social sentiments sa Facebook.

“Starting March 1, VP Leni is now ahead of BBM,” wika ni Chua sa panayam sa programang “Pinoy Scientist” ng NET25, kung saan tumatayong host si Dr. Guido David ng OCTA Research nitong Martes, Marso 8.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

Mula Pebrero 12 hanggang 17, nakakuha si Robredo ng 38.54% o kabuuang 4,799,593 engagements sa Facebook, huli ng limang puntos kay Marcos.

Ngunit batay sa kanilang pagsusuri sa 58 milyong data points mula Facebook, sinabi ni Chua na nabaligtad na ang sitwasyon at lamang na si Robredo kay Marcos ng limang puntos ngayong Marso, na may kabuuang 8 milyong engagements kumpara sa 7.5 milyon ng kanyang katunggali.

“It predicts an even larger engagement score for Leni in the coming weeks,” wika ni Chua, na umaasang makikita ang mga resultang ito sa darating na surveys.

Sa kanyang parte, sumang-ayon naman si David sa pananaw ni Chua, sa pagsasabing magkakaroon ng malaking pagbabago sa surveys ng malalaking survey firms pagdating ng Marso at Abril.

Tuwing kampanya, ginagamit umano nila ang nasabing datos para malaman ang epekto ng kanilang mga mensahe sa tinatawag na swing voters.

Batay sa datos, lumilipat na ang tinatawag na soft voters at swing voters sa panig ni Robredo.

“She will probably gain an increase in voters’ preference,” ani David.