Sa isang campaign advertisement para kay Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo, naniniwala si Edu Manzano na ang kandidato ang karapat-dapat na maging commander-in-chief ng sandatahan para depensahan ang pinag-aagawang West Philippine Sea (WPS).
Sentro sa naturang patalastas ang kontrobersyal na West Philippines Sea (WPS) na tinatayang may 3.5-M sq. meters ang sakop sa rehiyon. Pagpupunto ni Edu, ang naturang rehiyon ay hitik sa likas na yaman na handang magbigay ng pagkain at hanapbuhay sa maraming Pilipino.
“Kaya may mga bansang ninanakaw ito sa atin. Mga banyagang inaapi ang ating mga mangingisda,” paglalatag ni Edu sa kasalukuyang sitwasyon ng mga ordinaryong Pilipinong pumapalaot sa pinag-aawayang teritoryo.
Matatandaan taong 2016 nang pumanig ang Hague-based Permanent Court of Arbitration sa posisyon ng Pilipinas. Ibinasura ng hukuman ang historic rights ng bansang China sa nine-dash line.
Sa kabila nito patuloy ang nagaganap na militarisasyon ng China sa rehiyon. Nagpatuloy din ang naging panggigipit ng China sa mga mangingisdang Pilipino.
“Kailangan natin ipaglaban yung sa atin. At kailangan natin ng lider na handang pumalag dahil ang ‘atin ay atin,’” giit ni Edu.
Yun mismo ang sinabi ni VP Leni Robredo tungkol sa West Philippines Sea,” saad ng aktor.
Ipinagmalaki rin nito ang pag-endorso ng ilang dating matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kandidatura ni Robredo sa paniniwala sa kakayahan at integridad ng bise-presidente.
Sa huli, sinabi ni Edu na si Robredo ang karapat-dapat na mamuno sa sandatahan ng Pilipinas,.
“Ipaglalaban niya ang Pilipinas para sa Pilipino. Kay Leni Robredp, siguro tayo – ‘ang atin ay atin.'"