Ibinalandra ng kampo ni Presidential aspirant at Vice President Leni Robredo ang isang Cebu-based restaurant matapos gamitin ang pangalan ng kandidato sa isang "malisyosong" marketing strategy.

Sa screengrab ng official Facebook page ni Robredo, mababasa ang isang “Cusina Lucas” na nagpost ng isang screenshot ng umano’y inquiries ni Robredo na 100 trays ng pagkain para sa kanyang kampanya sa Cebu.

Matatandaang noong Pebrero 24, naganap ang grand campaign rally sa Cebu kung saan dinaluhan ito ng libu-libong tagasuporta ni Robredo.

“Hello Cusina Lucas, mag-oorder po ako ng Food trays n'yo, 100 Trays for my campaign dito sa Cebu. I’ve heard a lot of your food na ang sobrang SARAP,” makikitang mensahe umani ng bise-presidente sa page.

“Hala! Sorry walang COD payment first po muna, ma’am,[emojis]” mababasa sa caption ng restaurant.

Larawan mula OVP

Samantala, isang netizen naman ang nagpunto na isang marketing strategy lang ang naturang post at kinumpirma din ito kalaunan ng nasabing kainan.

Gayunpaman, hindi nito pinalampas ng kampo ni Robredo at iginiit sa publiko na mag-ingat sa maling balita.

“Walang katotohanan ang kumakalat na social media post na nagsasabing nag-oorder via Facebook ang Office of the Vice President o si Leni Robredo ng 100 food trays mula sa Cusina Lucas. False advertising ito—hindi gagawin ni VP Leni o ng OVP ang ganitong klaseng transaksyon,” pahayag ng kampo ng OVP sa Facebook.

“Sa kanilang post, inamin ng naturang restaurant na marketing strategy lamang ito. Habang todo ang suportang ibinibigay ng OVP sa mga MSMEs, hinihikayat natin sila na maging responsable at makatotohanan sa paglabas ng anumang promo material sa social media,” dagdag nito.

Samantala, inulan naman ng pambabatikos ang page ng kainan simula nang ibalandra ng OVP ang brand nito online.

"Grabe marketing strategy nyo at the expense of VP Leni's reputation. You should be ashamed of yourself.???" saad ng isang Kakampink.

"Magsara na kayo," segunda ng isa pa.

"Sa susunod po isip kayo ng matinong marketing strategy. Di yung nandadamay kayo ng ibang tao.?"

"Nag pufull house naman pla kayo.. eh para san yung "Marketing Strategy" nyo na bogus.. bat may desperate move na naganap? Geez! Disgusting."

"Yayamanin ang Resto, pero yung Marketing Strategy BULOK."

"Don't order here, people! Manipulative!"

Wala pang pahayag ang kampo ng Cusina Lucas sa usapin.