Naging emosyonal si Madam Inutz nang ipaliwanag nito kamakailan ang dahilan ng kanyang pagmumura sa kanyang live selling series. Habang kaya niya aniya na tiisin ang lahat para sa pamilya, ilang akusasyon ng bashers ang ikinadidismaya niya minsan.

Sa pinakahuling episode ng broadcast journalist na si Karen Davila sa kanyang YouTube channel, tampok dito si dating Pinoy Big Brother (PBB) housemate at sikat na online personality na si Daisy Lopez o mas kilala bilang si “Madam Inutz.”

Dito ibinahagi ni Madam Inutz, ang kanyang bashers ang dahilan ng kanyang lagi’t laging pagmumura sa mga online live selling.

“Nire-report nila ang live ko. Sinasabi nila na ano ba naman ‘tong babaeng ito saksakan ng dumi ng bunganga. Mura nang mura. Hindi nila alam sa likod ng pagmumura ko,” pagbabahagi ni Madam Inutz.

Relasyon at Hiwalayan

Chloe punumpuno ang puso dahil kay Carlos, inurirat kung kailan papakasal

“Mayroon akong pamilyang binubuhay. Mayroon akong tatlong anak na binubuhay. Parang nakapadali talaga nila manghusga kahit hindi ka kilala,” pagpapatuloy ng online personality.

Hindi rin umano siya nakakaligtas sa bogus buyers o yung mga nagma-mine lang pero wala talagang balak bumili ng kanyang paninda.

“May mga time naman na maraming beses na magma-mine sila pero hindi kinukuha. Syempre po oras, pagod, galaw, sumasayaw din ako sa live para lang din mapasaya kahit papano ang mga miner ko, nagjo-joke ako,” ani Madam Inutz.

Matatandaang sumikat si Daisy at kalauna’y nabansagang Madam Inutz dahil sa kanyang nakakaaliw na Facebook live selling. Ilang gimik ang ginagawa nito kabilang ang pagsasayaw at maya’t mayang pagmumura sa kanyang live audience.

Larawan mula Facebook page ni Madam Inutz

“Pero sabi nga hindi mo mapi-please ang lahat. Talagang makakarating, may matatanggap ka nang pambabash katulad ng, ‘Ay, nagdodroga yan. ‘Ay, hostess ‘yan,” pagpapatuloy ni Madam Inutz.

Kahit na masakit, alam ni Madam Inutz na hangga't hindi siya nakakaapak ng ibang tao ay magpapatuloy siya sa kanyang marangal na hanapbuhay.

“Syempre para sa akin, wala naman pong masama sa ginagawa ‘ko. Hindi ko naman tinatapakan yung pagkatao nila so hindi ko deserve na husgahan kaya rin ako napapamura. Kaya rin ako nakakahugot ng mga salita.”

“Hindi porke’t nagsasayaw ka, hindi porke’t na medyo [daring] ka sa pagla-live is maduming babae ka na. Mayroon lang akong pamilyang binubuhay especially single mom po ako. Talagang gagawin mo ang lahat para sa pamilya mo,” matapang na pahayag ni Daisy na kalauna’y naging emosyonal sa mga binitawang pahayag.

Nang pumasok sa sikat na Bahay ni Kuya, hindi naging lingid sa publiko ang kalagayan ni Madam Inutz bilang nag-iisang breadwinner ng pamilya. Nananatiling bed-ridden ang kanyang ina kung saan siya nagpapagmot at nagbibigay ng mga pang-araw-araw na pangangailangan.

Larawan mula sa Facebook page ni Madam Inutz

Dahil dito, kinakailangan kumayod ni Madam Inutz kaya’t kadalasa’y pitong oras na nagbebenta ito sa kanyang Facebook mula 12:30 ng hapon hanggang 7:30 ng gabi.

“Pinaghugutan ko ng lakas yung mga taong nanghuhusga sa amin. Alam ng Diyos ‘yan na hindi naman ng taong palamura ay masama. Hindi lahat ng babaeng magaslaw, maduming babae,” ani Madam Inutz.

Ikinatutuwa naman ng online personality na sa kabila ng bashing, marami pa rin umanong natutuwa sa kanya kabilang ang mga overseas Filipino workers (OFWs).

“Pandemic. Kailangan ng tao na magpapatawa sa kanila. Yung pagmumura at pagjo-joke ko hindi ko akalain na maraming tao ang makakaappreciate,” saad ni Madam Inutz.