Naglabas ng pahayag ang samahan ng mga panyerong sumusuporta sa presidential bid ni Bise Presidente Leni Robredo laban sa mga nagpapakalat ng fake news lalo na sa nakaraang grand rally na naganap sa Cavite.

Larawan: Lawyers for Leni/FB

Natanggap ng Lawyers for Leni ang ilang sumbong na nire-red-tag umano ang mga supporters ni Leni at pinagbabato ng malisyosong pahayag na mayroong bayarang nagaganap sa mga pumunta sa grand rally ng Team ni Robredo sa Cavite na naganap noong Marso 4, na dinaluhan ng higit sa 47,000 "Kakampinks."

Depensa ng grupo, "ang pagdalo dito ay kusang-loob at boluntaryong ginawa bunsod ng nagkakaisang layunin na magkaroon ng pagbabago para sa mabuting pamamahala sa ating bansa."

"Ang prinsipyo at paniniwala ng mga taga-suporta sa katapatan, husay, at integridad ni VP Leni ay hindi kailanman mabibili o mababayaran ng kahit sinuman."

Kinondena rin ng grupo ang pagpapakalat ng payahag na mayroong umanong hanay ng mga komunista na dumalo sa pagtitipon. "Walang basehan, malisyoso, at kathang-isip lamang" kung maituturing ang mga salaysay na ipinagkakalat.

Dagdag pa nila na ang mga dumali sa grand rally ay mga ordinaryong Pilipino lamang na naniniwala sa integridad at kakayahan ni Robredo na pamunuan ang bansa.

"Kami ay nananawagan sa mga lider, hindi lamang ng ating mahal na lalawigan ng Cavite ngunit ng buong bansa, na pakinggan ninyo ang pulso at saloobin ng ating mga kababayan. Buksan ang inyong mga mata, isip at puso sa totoong isinisigaw ng ating mga kababayan. Huwag sana kayong maging kasangkapan sa pagpapalaganap ng fake news o maling impormasyong maaring maglagay sa panganib sa ating mga kababayan."

Bukas ang grupo upang tulungan ang mga Pilipinong biktima ng paninirang-puri.

"Bilang panghuli, bukas ang Lawyers for Leni para tulungan ang ating mga kababayang biktima ng pagpapakalat ng maling impormasyon at paninirang-puri."