Isa sa mga hot issue na napag-usapan nina Cristy Fermin at Romel Chika sa March 7 episode ng 'Cristy Ferminute' ang patuloy na pagbibigay ng health update ni Queen of All Media Kris Aquino hinggil sa kaniyang kalusugan.

Ang latest nga niya ay nitong Marso 6 kung saan sinabi niya na "You’ve all been part of my road to better health journey… ayokong may itago sa inyo… kung saan ipinakita niya ang kaniyang mga session ng gamutan, sa ilalim ng Xolair treatment. dito rin, humingi siya ng paumanhin kay re-electionist Senator Joel Villanueva dahil sa hindi na niya idinetalyeng pribadong pag-uusap nila sa text.

"Itong susunod, talaga namang bina-bash siya sa pahayagan at social media… Romel ito, magpapakatotoo ako, hindi ko alam kung bakit at paano, na ang isang tao na araw-araw na nagbabalita sa buong mundo tungkol sa kaniyang pagkakasakit, kung paanong ang isang taong tulad niya na awang-awa na sa kaniya ang buong mundo dahil sa kaniyang pagkakasakit, nakagagawa pa ng mga kung ano-anong isyu," saad ni Cristy, na ang tinutukoy ay walang iba kundi si Krissy.

"Ang tinutukoy po namin ay si Kris Aquino, alam naman po natin, araw-araw naman po niyang ibinabalita sa atin, may pictorial at video pa siya, kung paanong araw-araw na nagpapadoktor at meron siyang mga proseso… eh bakit meron pa siyang ayaw pa niyang gumamit ng pulang emoji, yung mga sumasagot sa kaniya," dagdag pa ng showbiz columnist.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Hindi umano gusto ni Krissy na makakita ng mga pulang emojis sa comment section ng kaniyang mga post, kundi mga dilaw at pink lamang.

"Pati pa 'yun napapansin niya pa, napakaliit na bagay," singit naman ni Romel Chika. "Eh alam naman natin, ang puso, pula. Iyon naman talaga ang kulay ng puso, pula. Though meron po kasing mga icons sa telepono na may ibang kulay, iyon ang hinihiling niya na gamitin."

"Teka Romel, ang gusto niya yellow at pink, alam mo ineng, hayan tuloy, anong sabi sa kaniya ng mga tao, 'Iyang may sakit ka na nga napaka-bitter mo pa rin… asikasuhin mo na lang 'yang pagkakasakit mo', 'di ba? Nakakaloka…" saad pa ni Cristy, batay umano sa mga komento ng mga tao kay Kris.

Giit pa ni Cristy, napakarami raw nagdarasal para sa paggaling ni Kris, subalit ang ilan daw dito ay dismayado dahil nagawa pa umanong mag-post ni Kris hinggil sa isyu nito sa pulang emoji. May mga nagsasabi pa raw na netizen na hindi lang yata sakit sa pisikal ang dapat umanong atupagin ni Kris kundi maging sakit sa 'isipan'.

Para naman kay Cristy, totoo iyon at 'nakakairita' dahil mula umano sa pagkaawa at pagdarasal sa agarang paggaling, ay nalilipat daw sa pagkainis ng ilan dahil pinagpapansin pa raw ang mga pulang emojis na nakikita niya sa comment section ng kaniyang socmed posts.

Sana raw ay magpokus na lamang daw si Kris sa kaniyang pagpapagaling at huwag nang pakialaman ang mga kulay ng emojis.

Nasabi rin ni Cristy na mahilig daw makisabay si Kris kapag may ibang personalidad na umaangat at napag-uusapan, gaya nina Willie Revillame at Bea Alonzo.

Ang punto naman ni Cristy bilang isang kababayan na nagdarasal para sa kaniya at kasamahan sa industriya na sabik na sabik nang makita na may dagdag na timbang na ang TV host, sana raw ay huwag nang palakihin ni Kris ang maliliit na isyung ito, lalo na ang mga makapagpapainis sa kaniya.

Nakukuwestyon daw tuloy ng mga netizen kung talaga bang may sakit si Kris.

"Eh siya itong nang-iinis eh… siya itong nagpapakita sa publiko na payat na mukha niya, sorry, pero sabi nga ng mga tao sa social media, isang bulate na lang ang hindi pumipirma… tapos ngayon, itong heart emoji ang pinoproblema mo?" saad pa ni Cristy, batay ulit sa mga pahayag ng netizen kay Kris. "Eh bakit hindi ka na lang sumama sa kampanya, tutal ganyan din naman ginagawa mo."

Sa bandang dulo, sinabi ni Cristy na ang 'inis' na nararamdaman niya at iba pang netizen ay pagmamalasakit.

"Huwag mo nang pansinin 'yang mga 'yan, huwag ka nang dutdot nang dutdot ng mga bagay na hindi naman makatutulong sa paggaling mo, ano ba talaga ang kulay ng puso, hindi ba pula? Bakit ginagawa mong pink saka yellow? Sa hitsura mong 'yan ngayon, nasa utak mo pa rin ang politika?" ani Cristy.

May mga tagasuporta raw ni presidential candidate Bongbong Marcos na nagdarasal para kay Krissy.

Samantala, wala pang tugon o pahayag si Kris Aquino kaugnay sa mga komentaryo ni Cristy at maging sa mga sinasabi ng mga netizen tungkol sa isyung ito.